SUNDALO PATAY SA ENGKWENTRO

NUEVA ECIJA- ISANG sundalo ng Philippine Army’s 84th Infantry (Victorious) Battalion ang nasawi sa naganap na sagupaan sa pagitan ng mga tauhan ng pamahalaan at mga communist New People’s Army sa Brgy San Fernando, Laur, sa lalawigang ito.

Agad na kinondena ni Major General Andrew D. Costelo, Commander ng 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army ang ginawang panliligalig sa komunidad ng Laur.

Naganap ang sagupaan matapos na magsumbong ang mga residente hinggil sa panggugulo ng mga armadong kalalakihan sa Brgy San Fernando.

“We immediately ensure the security of the community that is why we sent our troops there to verify the information. These CTG members were armed and has been terrorizing the community.

Pinipilit nilang sumuporta ang mga tao sa kanila kasi hindi na nga sila makagalaw dahil wala na silang suporta ng masa. Kaya panay ang pananakot nila sa mga tao,” ani MGen. Costelo.

Agad na nauwi sa sagupaan ang pagtatagpo ng mga komunistang grupo at ng mga sundalo na ikinasawi ni Private First Class Sher Nelson B. Casayuran na idineklarang dead on arrival sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Tiniyak pa ni Costello na hindi mauuwi sa wala ang ginawang sakripisyo at kabayanihan ni PFC Casayuran dahil magsisilbi itong inspirasyon sa lahat ng kasapi ng Kaugnay Troopers para pag ibayuhin pa ang pagseserbisyo sa bayan upang matiyak ang kapayapaan at seguridad sa Central Luzon.
VERLIN RUIZ