SUNDALO SA BOC OK SA DND

SUNDALO

OKEY lang sa  Department of National Defense na pansamantalang gamitin ang mga sundalo para sa maayos at malinis na pagpapatakbo sa Bureau of Customs kaugnay na rin sa mungkahi ng kanilang commander in chief–si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, bukas ang kagawaran sa mungkahi na i-deploy sa BOC ang mga sundalo para tumulong habang inilalatag ni dating Armed Forces of the Philippines chief of Staff Gen. Rey Leonardo Guerero ang mga mekanismo sa  pagpapatakbo sa kawanihan.

Subalit, mabilis ding nilinaw ni Sec. Lorenzana na sakali man na  may ide-deploy silang sundalo sa BOC ay pansamantala lamang habang nasa proseso pa si newly appointed Customs chief Jagger Guerrero sa pagbuo ng sariling trusted civilian team.

Maging ang pamunuan ng AFP ay bukas sa mungkahi ng Pangulo at nakahandang tumulong sa dating chief of staff sakaling ire-request nito.

Pahayag  ni Arevalo, nais nilang tumulong sa dati nilang pinuno para maging matagumpay ang misyon nito na maayos at malinis sa korupsiyon ang BOC.

Si Guerrero ay itina­laga kapalit ni Isidro Lapeña.

Dahil alam ng Pa­ngulo na may mga bahid na ng agam-agam sa mga dating  tauhan sa loob ng Aduana ay inatasan  nito si Guerrero na gamitin ang technical people mula sa Philippine Army at Philippine Coast Guard (PCG) para linisin ang ahensiya.

Inutusan ni Duterte si  Guerrero na palitan ang mga empleyado ng BOC sa oras na opisyal na itong manungkulan sa ahensiya.

Aminado si Duterte na hindi pa sana papayag si Guerrero na lumipat sa BOC mula sa Maritime Industry Authority (MARINA) kaya  pinayuhan ng Pangulo ang dating heneral na palitan ang mga empleyado ng BOC.

Kasabay nito, muling dinepensahan ni Duterte sa mga kontrobersiya sina Lapeña at ang pinalitan nitong si Nicanor Faeldon.

Nabatid na noong si Faeldon ang nakaupo sa ahensiya, nakalusot ang P6.4 bilyong ilegal na droga habang  nakapasok din ang P6.8 bilyong shabu sa panahon ni Lapeña. VERLIN RUIZ

Comments are closed.