SULU – MAKAKAPILING na ng dalawang Indonesian ang kanilang pamilya nang masagip sila ng mga element ng Marine Brigade ng Philippine Army mula sa dumukot sa kanila na Abu Sayyaf Group sa munisipalidad ng Panamao.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines- Western Mindanao Command (Wesmincom) Commander Lt.Gen. Cirilito Sobejana, nagsasagawa ng combat operations ang mga sundalo nang makasagupa ang mga bandido alas-5:00 ng umaga sa liblib na bahagi ng Barangay Dawis.
Isa sa panig ng ASG ang nasawi habang nabawi ang dalawang bihag na dayuhan.
Kinilala ni Sobejana ang na-rescue na dalawang Indonesian na sina Maharudin Lunani at Samion Bin Maniue.
Gayunman, isang sundalo ang umano’y nasawi sa pagsagip sa mga biktima habang mayroon pa umanong malubhang nasugatan.
Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang pagsalba sa isa pang bihag na Indonesian.
Batay sa datos ng militar, tatlo pang Indonesian ang bihag ng teroristang Abu Sayyaf na dinukot sa triboundary ng Malaysia at dinala ng kanilang mga abductors sa Sulu. VERLIN RUIZ