ISABELA – KALABOSO ang isang sundalo nang ireklamo ito ng pamba-blackmail ng kaniyang dalawang nobya sa Ilagan City.
Isinagawa ang entrapment ng pulisya na pinamumunuan ni Insp. Orian Capili, chief investigator ng Ilagan Police Station sa isang mall sa nasabing lungsod.
Kinilala ang ikinulong na si alyas Pfc Rene, ng San Mateo, Aleosan, Cotobato, at nakatalaga sa 5th Infantry (STAR) Division Philippine Army, Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi, Gamu.
Nag-ugat ang reklamo ng dalawang babae nang pagbantaan sila ni Rene na ipakakalat nito ang kanilang nude photo at sex video kapag hindi sila nakipagkita sa sundalo.
Tatlong kaso ang isasampa laban kay Rene na ang una ay grave coercion, paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-violence against women and their children) at Republic Act 9995 ( Anti-photo and Voyeurism Act of 2009).
Sinabi ni Capili na nang naaresto si Rene at kinuha nila ang kanyang cellphone ay nakita ang ilang videos at nude photo ng dalawang babae.
Sa panig naman ng sundalo nais lang niyang makausap ang dating girlfriend, para kausapin dahil bago umano siya umalis patungo sa Mindanao dahil doon na siya madedestino bunsod ng hindi nila pagkakaunawaan. IRENE GONZALES
Comments are closed.