TAONG 2003 nang pasukin ni Sunday Salvacion ang professional basketball league. Produkto ng St. Benilde College, si Sunday ay unang naglaro para sa Brgy. Ginebra. Mahusay na player si Sunday na tubong-Quezon province. Almost 13 years siyang naglaro sa PBA. Hindi na masama dahil bihira sa mga player nayon ang tumatagal sa paglalaro sa professional league. Ang iba, kahit pa nakuha sa Draft ay hindi rin nabibigyan ng kontrata. Unless na super duper husay ang player at nagmula sa kilalang University.
Sa 13 taon ni Sunday sa PBA ay nakapag- ipon ito para sa kinabukasan nila ng kanyang asawang si Chin-Chin Salvacion at ng mga magiging anak nila. Malaking bahagi ng kinita niya sa pagbabasketbol ay ginamit niya sa pagnenegosyo at ang laundry shop ang unang business na itinayo nilang mag-asawa, kasosyo ang ilang kaibigan. Matatagpuan ito sa Antipolo.
Ang laundry shop ng basketbolista ay may 10 taon nang namamayagpag. Pitong teams sa PBA ang regular nilang kliyente. Nilalabhan nila ang uniforms at towels na gamit ng kapwa niya mga player.
Bukod sa laundry shop ay may bago pang business ang player, ang SUNDAY BLISS GLASS AND ALUMINUM WORKS AND SUPPLY. Ayon kay Sunday, hindi sila hirap sa bagong negosyo nilang ito dahil sa pagiging PBA player niya. Aniya, ilang buwan pa lang ang Sunday Bliss Glass and Aluminum Works ay marami na agad silang customers na inirerekomenda ng kapwa niya mga player.
Sa kasalukuyan ay hindi aktibo sa PBA si Sunday. Two years ago ay ‘di na nakakuha ng kontrata sa ibang team si Sunday kung saan ang huling koponan na pinaglaruan niya ay ang GlobalPort Batang Pier noong 2016.
“Ok naman kasi almost 13 years din ako nakapag-PBA. Pasalamat ako sa Diyos kasi binigyan niya ako ng pagkakataon na makapaglaro nang matagal,” sabi ni Sunday. Bukod sa Ginebra at NorthPort ay naglaro rin siya para sa Petron, Meralco, Red Bull at Blackwater.
Bagama’t wala na sa PBA ay patuloy pa rin siyang naglalaro ng basketball kapag may LEGENDS o liga sa labas bilang import. Edad 40 pa lang si Sunday kaya yakang-yaka pa niyang makipagsabayan.
Gumawa rin ng pangalan si Salvacion sa NCAA kung saan naging MVP siya noong 2003, Rookie of the Year noong 1999 at nakasama sa Mythical 5. ni Malou Aquino
Comments are closed.