SUNDAY SHOWDOWN (Kings vs Beermen; Bots vs Eastern)

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
5 p.m. – Meralco vs Eastern
7:30 p.m. – Ginebra vs San Miguel

MAKARAANG regaluhan ang kanilang mga sarili at ang kanilang die-hards ng Christmas Day victory, ang Barangay Ginebra Kings ay nakatuon ngayon na simulan ang 2025 nang matagumpay.

Para sa San Miguel Beermen, ang target ay ang makabawi mula sa pagkatalo sa kanilang huling laro noong 2024.

Sisikapin ng Kings at Beermen na makamit ang mga layuning ito laban sa isa’t isa sa kanilang salpukan sa mainer sa pagbabalik ng PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum ngayong Linggo.

Nakatakda ang laro sa alas- 7:30 ng gabi, kung saan hangad ng parehong koponan na mainit na simulan ang bagong taon at palakasin ang kani-kanilang kampanya sa torneo na kasalukuyang pinangungunahan ng NorthPort Batang Pier sa 6-1, kasunod ang Rain or Shine Elasto Painters sa 4-1, Hong Kong Eastern at Converge FiberXers na kapwa may 6-2 record.

Sumusunod ang Gin Kings sa 4-2, Meralco Bolts sa 3-2, at Beermen sa 3-3.

Si Justin Brownlee at ang kanyang teammates ay dumikit sa mga lider kasunod ng 95-92 panalo kontra Magnolia Hotshots sa kanilang Christmas Day duel sa harap ng mahigit 12,000 fans sa Big Dome.

Naitala ni rookie RJ Abarrientos ang 17 sa kanyang 20 points sa second half na may apat na triples upang sindihan ang rally ng Ginebra mula sa 22 deficit at nagbigay ng assist tungo sa game-winning trey ni Scottie Thompson sa buzzer.

“Christmas Clasico, special ito for the Ginebra team, especially for me. This is my first time playing sa Clasico,” pahayag noon ni Abarrientos.

“Winning like that on a day like Christmas made it extra special,” sabi ni Brownlee. “A couple Christmases ago we got beat by 20 plus points by the same team so I’m happy for the guys and the fans.”

Umaasa ang Kings na madala ang momentum na ito sa kanilang laro kontra Beermen sa rematch ng kanilang semifinal clash noong nakaraang conference.

Dinispatsa ng tropa ni coach Tim Cone ang koponan ni coach Jorge Gallent sa anim na laro bago ginapi ang TNT Tropang Giga sa parehong dami ng laro sa finals.

Ang skid ng Beermen ay nagpatuloy sa kaagahan ng Commissioner’s Cup subalit bumawi nang magwagi sa tatlo sa kanilang huling limang laro sa ilalim ni returning SMB coach Leo Austria.

Isa sa pagkatalo ng Beermen ay kontra Eastern, 91-99, sa overtime sa kanilang huling laro noong 2024 at sa PBA debut ni bagong SMB import Jabbari Narcis.

Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay maghaharap ang Meralco at Hong Kong Eastern.