SUNDAY TREAT

NorthPort VS Phoenix

Mga laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – Alaska vs TnT

6:45 p.m. – NorthPort vs Phoenix

SISIKAPIN ng NorthPort  na malusutan ang kakulangan sa tao sa pagsagupa sa Phoenix sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Smart Ara­neta Coliseum.

Hindi makakasama ng Batang Pier si Jeric Teng sa kanilang 6:45 p.m. encounter laban sa Fuel Masters makaraang magtamo ang shooting guard  mula sa University of Santo Tomas ng calf injury sa debut game ng koponan noong Linggo kung saan yumuko ito sa NLEX, 107-123.

Nagtamo rin si starting point guard Nico Elorde ng back injury sa parehong laro kontra Road Warriors, subalit pinayagan nang maglaro.

Sa kasalukuyan ay wala rin sa lineup ng NorthPort sina stalwart Stanley Pringle at do-it-all big man Sean Anthony.

Si Pringle ay kasalukuyang nasa Jakarta, Indonesia kasama ang men’s basketball team para sa 18th Asian Games, habang si Anthony ay nagpapagaling sa calf injury na kanyang natamo sa ensayo ng koponan. Ang dalawa ay inaasahang babalik sa Setyem-bre.

Si Pringle ay may average na 21.15 points at si Anthony ay may 17.23 points sa nakalipas na Commissioner’s Cup bilang no. 2 at no. 5 leading scorers ng liga, ayon sa pagkakasunod. Si  Anthony ay pumapangalawa rin sa rebounding (6.92), habang si Pringle ay pang-apat sa assists (6.15).

Sinabi ni coach Pido Jarencio na sa kasaluku­yan ay walang magagawa ang Batang Pier kundi ang magkasya sa natira sa kanyang roster.

“Basta look forward and positive lang,” aniya.

Sasandal ang Batang Pier kay import Rashad Woods na kumana ng 42 points, 12 rebounds, at 8 assists laban sa Road Warriors, subalit nakakuha lamang ng suporta kay Mo Tautuaa, na nag-ambag ng 20 points at 12 boards.

Tulad ng NorthPort, ang Phoenix ay may ­problema rin sa injury kung saan sina big man Doug Kramer at Gelo Alolino ay kapwa hindi lalaro dahil sa bone spurs sa kanilang paa.

Subalit sa kabila nito ay nakapasok na ang Fuel Masters sa win column matapos ang 113-107 pagdispatsa sa Columbian Dyip.

Sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ay magpapambuno ang Alaska at TnT Katropa.

Comments are closed.