BAKIT tila walang nag-iingay para imbestigahan ang kaduda-dudang pagkasunog ng Warehouse 159 ng Bureau of Customs na imbakan ng mga nakukumpiskang kontrabando?
Sinasabi sa report na halos nasimot na ang laman ng nasabing warehouse kaya may hinala na posibleng may pinagtatakpang tao na maaaring sangkot dito. Sino-sino rin ang tinutukoy na apat kataong taga-BOC na diumano’y may hawak ng susi ng Warehouse 159?
Mayroon bang dapat ikatakot, itago, pagtakpan o pinoproteksiyunan ang BOC sa isyung ito? Ganito ang mga tanong na gustong malaman mismo ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III ang kasagutan upang mapawi ang hinala na sinadya ang sunog sa nasabing tanggapan.
Aligaga na ang Senado, Kongreso, Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga intelligence agency gaya ng National Bureau of Investigation (NBI), Criminal Investigation Division Group (CIDG) at maging ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa kung sino sa kanila ang mangunguna sa isasagawang imbestigasyon sa kontrobersiyal na kasong ito.
Si Senate Ways and Means Committee Chairman Dick Gordon, gayundin si Misamis Oriental Congresswoman Juliette Uy, ay nanggigigil na ring pasimulan ang magkahiwalay na imbestigasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa aspeto na kung ito ay sinadya o kung sino ang nasa likod ng pagsunog ng BOC Warehouse 159.
“Given the notoriety of the BOC for graft and corruption, it is understandable for the public to be skeptical about the cause of the fire that has razed the office of of the Bureau of Customs at the Manila Bay Port Area,” ayon kay Uy.
“Sariwa pa ang tinapos na imbestigasyon sa smuggling o pagpuslit ng P11.6 bilyong shabu, eto na naman ang isa pang kontrobersiyal na isyu sa BOC. Parang wala na yatang katapusan ang imbestigasyon gaya nito, but anyway, the Senate investigation is always ready,” sabi naman ni Gordon.
Ang mahahalagang dokumento na nakatago sa nasunog na bodega ng BOC ay naabo na umano ang karamihan.
Batay sa report, ang sunog na nagsimula sa 3rd floor ng nasabing gusali ay biglang kumalat hanggang maging abo ang halos lahat ng mga itinata-gong dokumento at kontrabando.
Wala pa ring official report kung ano ang sanhi ng sunog. Ang mga naapektuhang opisina sa BOC ay pansamantalang inilipat sa gymnasium ng Philippine Ports Authority at sa Maritime Industry Authority.
Bago naganap ang sunog ay pormal na nilagdaan nina BOC Commissioner Rey Guerrero, Armed Forces Chief of Staff Gen. Carlito Galvez at Phil-ippine Coast Guard Admiral Eleseo Hermogino ang isang kasunduan sa pagpapakalat ng 600 personnel ng AFP at PCG sa BOC na magsisilbing bantay para ganap na masugpo ang smuggling activities sa Aduana.
o0o
Itinalaga ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, sa rekomendasyon ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo, si Dr. Sieg-fred Manaois, isang multi-awarded senior Customs Operations officer, bilang bagong Deputy Director for Operations sa Port of Subic. Si Manaois ay dating pangulo ng prominenteng Rotary Club of Kamuning (ROCK) sa Quezon City.
o0o
Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.