CEBU CITY – NAGPALIPAS ng gabi ang daan-daang mga residente sa kanilang gymnasium matapos sumiklab ang malaking sunog sa isang residential area sa Brgy. Tejero sa lungsod ng Cebu.
Nasa 80 mga bahay ang natupok at umabot naman sa humigit-kumulang P1 milyon ang danyos nito.
Nagmula umano ang naturang sunog sa isang bahay na pagmamay-ari ni Preciano Karomayan at nirerentahan ito ni Joey Bantugan.
Ayon sa kapitan ng Brgy. Tejero na si Boyek Galang na isasailalim ang buong barangay sa state of calamity upang magamit ang pondo ng barangay sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente.
Kaya naman nanawagan si Galang sa publiko na tulungan ang mga nasunugan upang makabangon muli mula sa pagkatupok.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng mga bombero ang dahilan sa pagsiklab ng naturang sunog kung saan umabot pa ito sa third alarm.
Samantala, patay ang isang special child matapos itong ma-trap sa loob ng kuwarto habang nasusunog ang bahay ni Engr. Nacario Pascala sa Brgy. Pakigne sa bayan ng Minglanilla sa Cebu.
Ayon kay FO1 Fulbert Navarro, sinubukang iligtas ni Pascala ang kanyang pitong taong gulang na apo ngunit hindi na umano ito nagawa.
Napag-alamang nasa trabaho ang mga magulang ng naturang special child nang sumiklab ang sunog.
Comments are closed.