SUNOG SA NAVOTAS: 5 PATAY, 2 SUGATAN

LIMANG katao kabilang ang dalawang taon gulang na batang lalaki ang nasawi sa naganap na sunog sa isang residential area sa Navotas City nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga nasawing biktima na sina Ma. Theresa Lopez, 41-anyos; Darlyn Baluyot, 18-anyos, grade 11 student; Diorella Gonzales, 18-anyos, grade 11 student; Asuncion Gonzales, 65-anyos at ang 2-anyos na batang lalaki habang kinilala naman ang mga sugatan na sina Carlos Olidan, 51-anyos at Josefina Sarate, 34-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP-NCR at Navotas Fire Station sa pangunguna ni Ground Commander F/Supt. Joel Diwata at FO2 Keneth Jay Esteban, dakong alas-3:58 ng hapon nang magsimula ang sunog sa bahay ni Letecia Tagle sa No. 59 P. Cadorniga St., Brgy. BBN, Navotas City.

Mabilis umanong kumalat ang apoy dahil sa magkadikit-dikit ang mga kabahayan sa lugar kaya’t kaagad iniakyat ang sunog sa unang alarma hanggang sa umabot sa ito sa Task Force Alpha bandang alas-6:22 ng gabi.

Dakong alas-9:22 ng gabi nang i-deklarang fire out ng BFP ang sunog kung saan tinatayang nasa 140 mga pamilya ang naapektuhan habang inaalam pa kung magkano ang halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy at kung ano ang pinagmulan ng sunog.

Ayon naman sa Public Information Office (PIO) ng Navotas, hanggang kahapon ng umaga, umabot na sa 174 pamilya ang apektado ng sunog sa Brgy. Bagumbayan habang 267 naman ang sa Brgy. Navotas West. EVELYN GARCIA