SUNOG SA QC, 6 MIYEMBRO NG PAMILYA NADALE

SUNOG-3

HINDI naapula ng ulan at hangin dala ng Bagyong Ompong ang apoy sa isang establisimiyento sa Novaliches, Quezon City at sa halip lumawak pa ito na ikinamatay ng anim katao kabilang ang isang sanggol at dalawang iba pang paslit kahapon ng madaling araw.

Ang lima sa nasawi ay mag-anak na Direpusun, habang ang isa ay hindi pa alam kung ano ang pagkakakilanlan.

Pitong iba pa ang napaulat na nasugatan sa nasabing trahedya.

May ulat na pag-aari ng isang konsehal ang nasabing tindahan-kainan.

Kabilang sa mga nasawi sa pamilya ang mag-asawang Kamal at Norjannah Japar, at kanilang tatlong mga anak na sina Abdul Raman, 5 buwang gulang, Salma, 7 taong gulang, at Abdulrahem, 9 taong gulang.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Station 4 Police Supt. Rossel Cejas, nabatid na kaya natutulog ang mag-anak sa nasabing establisimiyento ay dahil malaki ang kanilang pwesto at hindi nila ito maiwanan.

Ayon kay Quezon City Bureau of Fire Protection Chief Arson Investigator Rosendo Cabillan, sumiklab ang sunog mula sa harapang bahagi ng Ride N Shop at dahil sa lakas ng hangin ay mabilis na kumalat ang apoy kaya nadamay ang ilang tindahan at maging ang isang kilalang kainan sa lugar.

Alas-12:24 ng madaling araw nang magsimula ang sunog at agad itong itinaas sa ikatlong alarma dahil sa laki ng pagliliyab.

Alas-2:35 ng madaling araw nang ideklara itong fireout.

Ayon pa kay Cabillan, bagaman hindi pa batid ang sanhi ng sunog ay isa sa kanilang tinitingnan ang posibilidad na palyadong linya ng koryente ang dahilan nito.            PAULA ANTOLIN

Comments are closed.