BULACAN- DAHIL sa tindi ng nangangalit na apoy ay umabot sa ika-limang alarma at naging pahirapan ang pag-apula ng mga bumbero sa nasunog na tatlong bodega na imbakan ng plastik sa Brgy. Dampol 2nd, bayan ng Pulilan.
Sa inisyal na ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nag-umpisa ang sunog pasado alas-10:57 ng gabi ng Miyerkules sa nabanggit na barangay.
Ganap na alas-12:59 ng madaling araw ng Huwebes nang idineklarang kontrolado ang sunog subalit nagtuloy-tuloy pa rin ito hanggang alas-11:00 ng tanghali.
Sinasabing ang unang bodegang nasunog ay imabakan ng combastion materials o plastics pellets at habang ang ikalawa at ikatlo ay lagayan ng mga finished plastic products.
Wala namang naitalang nasawi at patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog at halaga ng pinsala.
Samantala, dalawa pang sunog ang naitala nitong Martes sa dalawang lungsod ng nasabing lalawigan.
Bandang alas-12:56 ng tanghali ay nasunog ang bahagi ng dalawang palapag na gusali sa Brgy. San Martin, San Jose Del Monte (SJDM) at idineklarang fire out bandang ala-1:15 ng hapon.
Base sa report ng SJDM police, nasa P150, 000 ang halaga ng pinsala habang walang naitalang nasawi at nasugatan sa sunog.
Kasunod nito’y, nasunog din ang isang bahay bandang alas- 3 ng hapon sa Brgy. Sto. Niño, Baliwag City na agad din naapula ng mga rumespondeng bumbero.
Wala rin naitalang nasugatan at nasawi sa naturang sunog. THONY ARCENAL