SUNS, HEAT NAKAUNA

UMISKOR si Deandre Ayton ng team-high 25 points at nadominahan ng Phoenix Suns ang bisitang Dallas Mavericks sa boards tungo sa 121-114 panalo sa Game 1 ng kanilang Western Conference semifinal series Lunes ng gabi.

Nagdagdag si Devin Booker ng 23 points sa balanced attack, na sinamahan ng 9 rebounds at 8 assists. Tumipa si Chris Paul ng 19 points, kumabig si Cam Johnson ng 17, nag-ambag si Mikal Bridges ng 13 at nakalikom si Jae Crowder ng 11 para sa top-seeded Suns na angat sa best-of-seven na magpapatuloy sa Miyerkoles sa Phoenix.

Tumapos si Luka Doncic na may 45 points — kapos ng isa sa kanyang postseason career-high — para sa Mavericks, na na-outrebound, 51-36, at natalo sa kabila na na-outscore ang host, 48-33, sa 3-pointers.

HEAT 106,

76ERS 92

Nagbuhos si Tyler Herro ng  25 points, nagdagdag si Bam Adebayo ng 24 points at 12 rebounds at ginapi ng host Miami Heat ang Philadelphia 76ers sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference semifinal series.

Kumamada si Miami’s Jimmy Butler ng 15 points at 9 rebounds, habang tumabo sina P.J. Tucker at Gabe Vincent ng tig-10. Hindi naglaro si Kyle Lowry sanhi ng strained left hamstring.

Naglaro ang 76ers na wala si Most Valuable Player candidate Joel Embiid, na nasa concussion protocol at may iniinda ring  orbital fracture at torn ligament sa kanyang right thumb.

Nanguna si Tobias Harris para sa Philadelphia na may 27 points, at nagdagdag si Tyrese Maxey ng 19. Tumirada si James Harden ng 16 points at 9 rebounds.

Nakatakda ang Game 2 ng best-of-seven series sa Miyerkoles sa Miami.