SUNS LUMAPIT SA NBA FINALS

Suns vs clippers

UMISKOR si Devin Booker ng 25 points bago na-foul out at nagdagdag si Deandre Ayton ng 19 points at 22 rebounds para tulungan ang Phoenix Suns na gapiin ang host Los Angeles Clippers, 84-80, at lumapit sa kanilang unang NBA Finals appearance sa loob ng 28 taon noong Sabado (Linggo sa Manila).

Nagbuhos si Chris Paul, nasa kanyang ikalawang laro buhat nang magbalik mula sa COVID-19 protocol, ng 18 points at 7 assists para sa Suns na kinuha ang 3-1 lead sa Western Conference finals. Nagsalpak si Paul ng limang  free throws sa huling pitong segundo upang selyuhan ang panalo.

May tatlong pagkakataon ngayon ang Suns na makopo ang kanilang puwesto sa Finals, ang una ay sa Game 5 sa Lunes sa Phoenix.

Tumipa si Paul George ng 23 points at kumalawit ng 16 rebounds para sa Clippers, subalit bumuslo lamang ng  5 of 20 mula sa field at 1 of 9 mula sa 3-point range, habang nagdagdag si Reggie Jackson ng 20 points.

Bumuslo ang Los Angeles ng 32.5 percent lamang mula sa field at naglaro ito na wala si  Kawhi Leonard sa ika-6 na sunod na playoff game dahil sa knee injury.

Naghahabol sa 50-36 sa half, ang Clippers ay nakabalik sa laro nang ma-outscore ang Suns, 30-19, sa third quarter. Maraming pagkakataon ang Los Angeles na kunin ang kalamangan sa fourth quarter, subalit ang dalawang koponan ay halos hindi nakaiskor sa loob ng apat na minuto upang mapanatili ng Suns ang bentahe sa 71-70.

Kapwa malamig ang dalawang koponan sa field goal shooting sa fourth quarter, kung saan bumuslo ang Suns ng 21.1 percent laban sa 15.8 percent ng Clippers.

Habang nangangailangan ang Clippers ng masasandalan sa pagkawala ni Leonard, si George ay 1 of 7 lamang mula sa field sa final period.

Inilapit ni Terance Mann ang Clippers sa 79-76 sa isang layup, may 58.5 segundo sa orasan, ilang sandali makaraang ma-foul out si Booker nang tawagan ng offensive foul. Dalawang free throws ni Paul, may 7.0 segundo ang nalalabi, ang nagbigay sa  Suns ng 81-78 kalamangan.

Makaraang magpalitan ng free throws, gumawa si George ng isa para sa Clippers, may 3.2 segundo ang nala-labi, para makalapit ang Los Angeles sa 82-80. Sinadya niyang imintis ang ikalawa, ngunit nakuha ng Suns ang rebound at ipinasok ni Paul ang dalawang  foul shots para makalayo.

Tumapos ang Clippers na may 5 of 31 (16.1 percent) lamang mula sa 3-point range, habang ang Suns ay  4 of 20 (20 percent). Bumuslo ang Phoenix ng 36 percent overall.

Kumalawit si Mikal Bridges ng 13 rebounds para sa Suns, habang nagtala si Ivica Zubac ng 13 points at 14 rebounds para sa Clippers. Tumipa si Mann ng 12 para sa Los Angeles.

56 thoughts on “SUNS LUMAPIT SA NBA FINALS”

Comments are closed.