SUNS LUMUBOG SA MAGIC

NAGBUHOS si Paolo Banchero ng 26 points at nalusutan ng host Orlando Magic ang 44-point performance ni Devin Booker upang maiposte ang 113-98 panalo laban sa Phoenix Suns noong Linggo ng gabi.

Nakakolekta si Moritz Wagner ng 16 points at 12 rebounds at nag-ambag si Markelle Fultz ng 14 points at 5 steals para sa Magic, na na-outscore ang Suns, 31-13, sa fourth quarter.

Sinundan ni Booker ang kanyang 62-point performance sa 133-131 pagkatalo ng Suns sa Indiana Pacers noong Biyernes sa pagbuslo ng 17 sa 26 shots mula sa floor. Ang three-time All-Star ay umiskor ng 152 points sa kanyang huling tatlong laro sa 56-for-86 shooting mula sa floor at 13-for-24 mula sa 3-point range.

Tumabo si Kevin Durant ng 15 points ngunit gumawa ng pito sa 22 turnovers ng Suns. Natabunan ng sloppy play ng Phoenix ang mainit na 56.2 percent shooting nito mula sa floor. Bunga nito, nalasap ng Suns ang ikalawang sunod na kabiguan kasunod ng season high-tying seven-game winning streak.

Tumipa si Bradley Beal ng 9 points at nagbigay ng 6 assists habang nakasuot ng mask upang protektahan ang nasal fracture.

HAWKS 126, RAPTORS 125

Umiskor si Saddiq Bey ng season-high 26 points, kabilang ang game-winning dunk, may isang segundo ang nalalabi, upang igiya ang Atlanta Hawks sa panalo kontra bisitang Toronto Raptors at putulin ang kanilang four-game losing streak.

Kinuha ng Raptors ang one-point lead, may pitong segundo ang nalalabi nang maagaw ni Gradey Dick ang bola at ibinato ito kay Scottie Barnes para sa dunk. Makaraang tumawag ng timeout, ibinigay ng Hawks ang bola kay Trae Young, na nagmintis sa isang floater, at nakuha ni Bey ang offensive rebound at idinakdak ito.

Ang Atlanta ay nanalo sa dalawa sa tatlong laro kontra Toronto ngayong season at nagwagi ng tatlong sunod sa Atlanta. Tatapusin nila ang season series sa Feb. 23 sa Atlanta.

Kumalawit din si Bey ng 13 rebounds at isa sa apat na Hawks na may double-double. Kumamada si Young ng 30 points at 12 assists, nagdagdag si Clint Capela ng 19 points at 14 rebounds at nag-ambag si Jalen Johnson ng 17 points at 12 rebounds. Umiskor si Bogdan Bogdanovic ng 24.

Ang Raptors, na natalo ng limang sunod, ay pinangunahan nina Barnes at Jordan Nwora, na kapwa gumawa ng 24 points.

PISTONS 120, THUNDER 104

Nagposte si Jalen Duren ng 22 points at kumalawit ng 21 rebounds upang pangunahan ang Detroit Pistons sa panalo kontra Oklahoma City, na pumutol sa five-game winning streak ng Thunder.

Naitala ng Pistons ang kanilang ika-6 na panalo pa lamang sa season sa kabila ng pagliban ni leading scorer Cade Cunningham dahil sa knee trouble.

Ang career-high ni Duren sa rebounds ay kinabilangan ng siyam sa 15 offensive boards ng Pistons.

“It’s cool,” pahayag ni Duren patungkol sa kanyang unang career 20-20 game, subalit mas ikinagagalak niyang manalo matapos matalo ang Pistons sa apat sa kanilang huling limang laro.

Kabilang dito ang double-digit loss sa Washington Wizards noong Sabado sa unang laro ni Cunningham mula sa eight-game injury absence.

“It was big-time,” sabi ni Duren makaraang talunin ang Thunder, na may 31 points mula kay newly named All-Star Shai Gilgeous-Alexander sa pagkatalo na naghulog sa kanila sa 32-14 — katabla ang Minnesota Timberwolves sa ibabaw ng Western Conference.