UMISKOR si Phoenix star Kevin Durant ng 39 points at napigilan si Lauri Markkanen ng Utah sa final buzzer at pinataob ng Suns ang Jazz, 140-137, sa double-overtime thriller.
Nagdagdag si Durant ng 8 rebounds at 10 assists habang tumipa si Devin Booker ng 26 points para sa Suns.
Nanguna si Markkanen para sa Utah na may 38 points at 17 rebounds.
Nagtala si Durant ng 8 points sa ikalawang overtime, kung saan lumamang ang Suns sa 138-135, may 43.2 segundo sa orasan.
Isang layup ni Markkanen ang nagtapyas sa kalamangan sa isang puntos subalit isinalpak ni Booker ang dalawang free throws upang bigyan ang Phoenix ng 140-137 bentahe, may nine-tenths ng isang segundo ang nalalabi.
May huling tsansa si Markkanen, nang unang sabihin ng mga opisyal na na-foul siya ni Durant sa bigong three-point attempt. Subalit binaligtad ang tawag nang rebyuhin at nakuha ng Suns ang panalo.
Ito ang ika-25 sunod na laro ni Durant na nagtala siya ng 25 points o higit pa, ang pinakamahabang streak sa kasaysayan ng Suns.
“I’m just trying to stay prepared on off days and before games, just trying to follow the game plan to execute as much as I can and play with a calm and free spirit,” sabi ni Durant.
Lakers 105,
Rockets 104
Nagbuhos si superstar LeBron James ng season-high 37 points upang pangunahan ang Los Angeles Lakers sa panalo kontra Houston Rockets.
Isinalpak ni Austin Reaves, pinasahan ni James, ang isang three-pointer upang bigyan ang Lakers ng 103-100 bentahe, may 24.2 segundo ang nalalabi. Subalit itinabla ng layup ni Alperen Sengun ang talaan sa 104-104, may apat na segundo sa orasan.
Ipinasok ni James, na-foul sa ilalim ng rim, ang isa sa dalawang free throws para sa panalo.
Nagdagdag si James ng 6 rebounds at 8 assists at tumapos si Anthony Davis na may 27 points at 10 rebounds.
Celtics 102,
Memphis 100
Naungusan ng Boston Celtics ang Memphis Grizzlies, 102-100.
Nalusutan ng Celtucs ang back-and-forth battle na tinampukan ng 18 lead changes nang mag-drive si Kristaps Porzingis para sa go-ahead dunk, may 1.1 segundo ang nalalabi, at pagkatapos ay nasupalpal si Ziaire Williams sa buzzer.
Nanguna si Porzingis para sa Celtics na may 26 points, 8 rebounds at 6 block shots.