SUNS PINABAGSAK ANG ROCKETS

KUMANA si Devin Booker ng 24 points at 8 assists at nalusutan ng Phoenix ang pagkakatalsik ni Chris Paul upang maitakas ang 124-121 panalo laban sa bisitang  Houston.

Nagdagdag si Deandre Ayton ng 23 points at 9 rebounds para sa Suns, na nanalo ng pitong sunod. Si Paul ay napatalsik sa laro makaraang magkaroon ng contact kay official J.T. Orr sa huling bahagi ng third quarter.

Tumipa si Dennis Schroder ng 23 points at 9 assists at nagdagdag si Jae’Sean Tate ng 22 points at  10 rebounds para sa Houston, na nalasap ang ika-6 na sunod na kabiguan. Nagmintis si Eric Gordon sa 3-point attempt habang paubos ang oras.

SPURS 114, THUNDER 106

Umiskor si Keldon Johnson ng 22 points upang pangunahan ang Spurs sa panalo laban sa host Oklahoma City Thunder, na isang  milestone victory para kay San Antonio coach Gregg Popovich.

Ang panalo ay  No. 1,333 sa 26-year, head-coaching career ni Popovich — pawang sa San Antonio — kung saan nalagpasan niya si Lenny Wilkens sa ikalawang puwesto sa kasaysayan ng NBA. Si Popovich ay nasa likod ni Don Nelson (1,335).

Papasok ang  Spurs sa All-Star break na may tatlong panalo sa huling apat habang ang Thunder ay natalo sa kanilang nakalipas na pitong laro.

Nagdagdag si Jakob Poeltl ng 20 points at 17 rebounds para sa Spurs, na may anim na  players na may 15 o higit pang puntos. Kumubra si  Tre Mann ng 24 points habang tumirada si Theo Maledon ng season-high 22 para sa Thunder.

Sa iba pang laro, dinaig ng Hawks ang Magic, 130-109; nilambat ng Nets ang Knicks, 111-106; naungusan ng Nuggets ang Warriors, 117-116; nadominahan ng Trail Blazers ang Grizzlies, 123-119; tinuhog ng Bulls ang Kings, 125-118; ginapi ng Lakers ang Jazz, 106-101; pinadapa ng Pacers ang Wizards, 113-108; nasingitan ng Pistons ang Celtics, 112-111; at dinurog ng Raptors ang Timberwolves, 103-91.