SUNS PINALAMIG NG HAWKS

hawks vs suns

GINIBA ng reserves ng Atlanta Hawks, sa pangunguna nina Lou Williams at  Danilo Gallinari na kumamada ng tig-16 points, ang bisitang Phoenix Suns sa fourth quarter at naitakas ang 135-103 panalo noong Miyerkoles.

Naitala ng Hawks, may second unit sa floor, ang unang 16 points ng fourth quarter at kinuha ang 25-point lead nang maisalpak ni Onyeka Okongwu ang alley-oop pass ni Williams upang ilagay ang talaan sa 113-88.

Hindi hinayaan ng backups ng Atlanta, na may kabuuang 74 points, ang Phoenix na maipasok ang unang field goal nito sa fourth quarter hanggang sa huling 2:33 ng laro.

Pinalawig ng Atlanta ang winning streak nito sa tatlong laro at nagwagi ng pitong sunod sa home. Naputol naman ang five-game winning streak ng Phoenix.

Nakakuha rin ang Atlanta (37-30) ng 14 points at 7 rebounds mula kay Okongwu at 13 points kay Kevin Huerter. Ang starting unit ng Hawks ay pinangunahan ng 18 points at 10 rebounds ni Clint Capela, 16 points at 12 assists mula kay Trae Young, at 16 points — kabilang ang apat na 3-pointers — mula kay Bogdan Bogdanovic.

Nagbida para sa Phoenix (47-19) si Devin Booker na may 30 points. Nagdagdag si Mikal Bridges ng 18 points.

Ang panalo ay nagbigay sa Atlanta ng split sa season series. Nanalo ang Atlanta sa huling pitong laro kontra Suns sa Atlanta, isang streak na nagsimula noong 2014.

JAZZ 126,

SPURS 94

Umiskor si Jordan Clarkson ng 30 points at nagdagdag si Bojan Bogdanovic ng 24 nang durugin ng Utah Jazz ang San Antonio Spurs, 126-94, para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.

Sinamahan ng 135-103 panalo ng Atlanta Hawks laban sa Phoenix Suns, nabawi ng Utah ang unahan sa Western Conference at ang top record sa NBA. Ang Jazz (48-18) ay angat ngayon ng isang laro sa Suns (47-19), may anim na laro ang nalalabi sa regular season.

Nanatili ang San Antonio (31-34) sa No. 10 spot sa West, sa final position para makapasok sa  new play-in tournament ng NBA.

Tumipa si Luka Samanic ng team-high 15 points para sa Spurs, na bumuslo lamang ng 40.2 percent mula sa floor.

Naipasok ng Jazz ang mainit na 55.7 percent sa kanilang field-goal attempts at 18 of 41 (43.9 percent) mula sa 3-point range tungo sa kanilang ikalawang sunod na double-digit home win laban sa San Antonio sa loob ng tatlong araw.

Nagawang manalo ng Utah sa kabila ng hindi paglalaro nina injured All-Star guards Donovan Mitchell at Mike Conley.

Sa iba pang laro, nakalikom si Jrue Holiday ng 29 points, 6 assists at 5 rebounds upang tulungan ang Milwaukee Bucks na maitakas ang 135-134 panalo kontra Washington Wizards.

Tumapos si Nikola Jokic na may 32 points at 12 rebounds, napantayan ni Austin Rivers ang kanyang season high na may 25 points laban sa kanyang dating team, at ginapi ng host Denver Nuggets ang New York Knicks, 113-97.

Nagbuhos si Ja Morant ng 37 points, naisalpak ni Desmond Bane ang pares ng clutch 3-pointers sa final minute at nalusutan ng Memphis Grizzlies ang 42 points ni Anthony Edwards upang pataubin ang Minnesota Timberwolves, 139-135.

Kumana si Marvin Bagley III ng 31 points at 12 rebounds upang tulungan ang Sacramento Kings na selyuhan ang perfect four-game road trip sa pa-mamagitan ng 104-93 panalo kontra host Indiana Pacers.

Tumirada si Kemba Walker ng 32 points sa kanyang pagbabalik mula sa injury upang tulungan ang Boston Celtics na palakasin ang kanilang playoff positioning sa pamamagitan ng 132-96 panalo kontra host Orlando Magic.

Samantala, naitala ni Damian Lillard ang pito sa kanyang game-high 32 points sa isang game-breaking run sa huling 2:10 ng third quarter upang igiya ang Portland Trail Blazers sa 141-105 panalo laban sa host Cleveland Cavaliers.

Comments are closed.