SUNS PINALAMIG NG HAWKS

HUMATAW si Trae Young ng 43 points nang putulin ng Atlanta ang 11-game winning streak ng Phoenix sa pamamagitan ng 124-115 panalo.

Naipasok ni Young ang 16 sa 25 shots — 6 sa 11 mula sa 3-point range — sa kanyang pagbabalik mula sa one-game absence sanhi ng right shoulder contusion.

Kumana si Kevin Huerter ng limang 3-pointers at sinamahan si John Collins na tumapos na may 19 points. Gayunman ay inilabas si Collins sa huling bahagi ng fourth quarter dahil sa right arm injury.

Umiskor si Devin Booker ng 32 points para sa Suns. Nagdagdag si Mikal Bridges ng 24 points at 8 rebounds, at nakalikom si Chris Paul ng  18 points at 12 assists.

WARRIORS 126, KINGS 114

Nalagpasan ni Klay Thompson si Kobe Bryant sa  all-time list sa ika-6 ng kanyang pitong 3-pointers nang sumandig ang Golden State Warriors sa long-distance assault upang payukuin ang Sacramento Kings.

Tumapos si Thompson na may team-high 23 points, kumubra si Stephen Curry ng 20 at nagdagdag si Jonathan Kuminga ng 18 para sa Golden State, na nagwagi ng ika-8 sunod tungo sa pagiging NBA’s second 40-game winner. Ang Warriors ay nasa likuran ng Phoenix Suns sa Western Conference at league standings.

Nagtala si Thompson ng 7-for-9 sa 3-point attempts, upang umangat ang kanyang career trey total sa 1,829, mas mataas sa 1,827 ni  Kobe Bryant at lumapit ng isa kay Chauncey Billups (1,830) para sa 19th sa  NBA’s all-time list.

Tumipa si rookie Davion Mitchell ng season-best 26 points at kumubra si Harrison Barnes ng 25 para sa Kings, na naglaro sa ikalawang sunod na gabi. Tinalo ng Sacramento ang bisitang Brooklyn Nets, 112-101, noong Miyerkolez para putulin ang seven-game losing streak.

Sa iba pang laro ay sinakmal ng Timberwolves ang Pistons, 128-117; naungusan ng Clippers ang Lakers, 111-110; ginapi ng Raptors ang Bulls, 127-120 (OT); at pinaso ng Heat ang Spurs, 112-95.