SUNS PINALUBOG NG BUCKS

KUMANA si Khris Middleton ng season-high 44 points nang pataubin ng Milwaukee Bucks ang bisitang Phoenix Suns, 132-122, nitong Linggo para hilahin ang kanilang winning streak sa apat na laro.

Ang three-time All-Star ay nagdagdag ng 8 rebounds at 5 assists sa 16-for-27 shooting upang itabla ang two-game season series sa Suns. Ito ang unang kabiguan ng Phoenix sa road magmula noong Feb. 3. Kasunod ng kanilang late-game rally kontra Chicago noong Biyernes ng gabi, ang Bucks ay muling nag-init sa huli, kung saan na-outscore nito ang Suns sa 14-4 sa huling 3:32.

Nag-ambag si Jrue Holiday ng 24 points, 9 assists at 4 steals, habang kumubra si Giannis Antetokounmpo ng 19 points at 13 rebounds para maitala ang kanyang ika-7 sunod na double-double, bagaman nalimitahan siya sa dalawang puntos sa second half bago na-foul out sa huling bahagi ng fourth.

Nanguna si Deandre Ayton para sa Suns na may season-high 30 points at 8 rebounds sa 14-of-19 shooting. Tumipa si Cameron Payne ng 23 points at 8 assists, nagdagdag si Jae Crowder ng 19 points, at kumabig si Landry Shamet ng 17.

CELTICS 126,

NETS 120

Umiskor si Jayson Tatum ng season-high 54 points at bumanat ang Boston ng late run sa fourth quarter upang dispatsahin ang bisitang Brooklyn.

Nagsalpak si Tatum ng walong 3-pointers at gumawa ng 34 points sa second half. Kumarera ang Boston sa ikatlong sunod na panalo sa larong tinampukan ng 28 lead changes at 19 pagtatabla. Nagdagdag si Jaylen Brown ng 21 points sa kanyang pagbabalik matapos na magtamo ng right ankle sprain noong Martes at lumiban ng isang laro.

Kumamada si Kevin Durant ng team-high 37 para sa Brooklyn, sa fourth quarter upang maging 23rd player sa kasaysayan ng NBA na umabot sa 25,000 points. Nagdagdag si dating Celtic Kyrie Irving ng 19, nakakolekta si Bruce Brown ng 16, at tumirada si LaMarcus Aldridge ng 14 para sa Nets, na natalo ng apat na sunod.

JAZZ 116,

THUNDER 103

Tumabo si Bojan Bogdanovic ng 35 points, at nagtala ng franchise record na 11 3-pointers, upang pangunahan ang Utah kontra host Oklahoma City para sa kanilang ika-10 panalo sa huling 12 games.

Nagdagdag si Donovan Mitchell ng 24 points at 10 assists para sa Utah, habang umiskor si Jordan Clarkson ng 20 mula sa bench.

Nanguna si Shai Gilgeous-Alexander para sa Thunder na may 33 points, 8 assists, 7 rebounds at 4 steals. Wala nang ibang  Oklahoma City player na umiskor ng mahigit sa 12 ni Aleksej Pokusevski. Ang Thunder ay natalo ng dalawang sunod at 10 sa huling 13.

Sa iba pang laro, pinulbos ng Knicks ang Clippers, 116-93; namayani ang Wizards kontra Pacers, 133-123; binomba ng Rockets ang Grizzlies, 123-112; ginapi ng Nuggets ang Pelicans, 138-130 (OT); at dinispatsa ng Cavaliers ang Raptors, 104-96.