UMISKOR si Kevin Durant ng 35 points at nagbuhos si Grayson Allen ng 26 first-half points upang tulungan ang Phoenix Suns na iposte ang 120-113 victory laban sa bisitang Toronto Raptors noong Huwebes ng gabi.
Nakalikom si Bradley Beal ng 20 points at 8 assists para sa Phoenix na nagwagi sa ika-4 na pagkakataon sa kanilang huling anim na laro. Nagdagdag si Bol Bol ng 11 points at 8 rebounds at nagsalansan si Royce O’Neale ng 10 points, 8 rebounds at 6 assists para sa Suns, na naglaro na wala si Devin Booker (ankle) sa ikatlong sunod na laro.
Nagtala si Allen ng franchise record na pitong treys sa first quarter. Tinapos niya ang laro na may walo makaraang hindi makaiskor sa second half.
Nagsalpak si Gary Trent Jr. ng limang 3-pointers at gumawa ng 30 points para sa Toronto, na hindi lumamang at natalo sa ika-4 na pagkakataon sa kanilang huling limang laro.
Nagdagdag si RJ Barrett ng 23 points at nagbuhos si Immanuel Quickley ng 21 points at career-high 18 assists para sa Raptors. Nagtala si Gradey Dick ng 12 points at nag-ambag si Chris Boucher ng 11 points at 9 rebounds para sa Toronto.
Bulls 125, Warriors 122
Binigyan ni DeMar DeRozan ang Chicago ng kalamangan sa isang three-point play, may 26 segundo ang nalalabi, tinampukan ni Nikola Vucevic ang 33-point performance sa dalawang clinching free throws pagkalipas ng 20 segundo at nanatiling walang talo ang Bulls sa kanilang Western trip sa 125-122 panalo kontra Golden State Warriors sa San Francisco.
Sa dikit na laban sa pagitan ng dalawang koponan na nanalo sa kanilang mga huling laro, ang Bulls ay nakinabang nang masaktan ang bukong-bukong ni Stephen Curry, may 4:00 ang nalalabi at kinailangang lumisan sa laro.
Pagkatapos ay na-foul out si Draymond Green sa moving screen, may 58 segundo ang nalalabi at tabla ang talaan sa 116.
Matapos ang turnover ni Green, binigyan ni DeRozan ang Bulls ng two-point lead sa isang short jumper sa 43.1-second mark.
Nuggets 115, Celtics 109
Nagsalansan si Nikola Jokic ng 32 points, 12 rebounds at 11 assists para sa kanyang 20th triple-double sa season, at nalusutan ng host Denver Nuggets ang pagputok ni Jaylen Brown upang pataubin ang Boston Celtics.
Winalis ng Denver ang season series at nanalo ng pito sa walo mula sa All-Star break. Umiskor si Jamal Murray ng 19 points, nag-ambag si Aaron Gordon ng 16 points at tumipa sina Kentavious Caldwell-Pope at Peyton Watson ng tig-11 points para sa Nuggets.
Nagbuhos si Brown ng 41 points at 13 rebounds, kapwa season-highs, subalit nagmintis sa 7 free throws. Nakakolekta si Kristaps Porzingis ng 24 points at 12 rebounds, tumapos si Jayson Tatum na may 15 points at nagdagdag si Jrue Holiday ng 12 para sa Boston.
Ang Celtics ay natalo ng magkasunod sa ikalawang pagkakataon pa lamang ngayong season.