ISINALPAK ni Kevin Durant ang dalawang free throws, may 1.8 segundo ang nalalabi, at tinapos ng Phoenix Suns ang laro sa 32-8 surge upang payukuin ang bisitang Sacramento Kings, 119-117, noong Martes ng gabi.
Umiskor si Grayson Allen ng 29 points at napantayan ang franchise record na siyam na 3-pointers sa ikalawang pagkakataon ngayong buwan para sa Suns. Tumipa si Durant ng 27 points at nagdagdag si Devin Booker ng 16 points at 11 assists para sa Phoenix, na nalusutan ang 22-point, fourth-quarter deficit upang kunin ang ikatlong sunod na panalo
Nagposte sina Bradley Beal at Eric Gordon ng tig-13 points para sa Suns. Nakakolekta si Jusuf Nurkic ng 10 points at 15 rebounds para sa Phoenix na pinutol ang four-game losing streak laban sa Kings.
Nagsalpak si De’Aaron Fox ng anim na 3-pointers at nagbuhos ng 33 points at 6 assists para sa Sacramento, na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan. Nagdagdag si Domantas Sabonis ng 21 points, 12 rebounds at 11 assists para sa kanyang ika-11 triple-double sa season.
Umiskor si Keegan Murray ng 18 points, nag-ambag si Sasha Vezenkov ng 14 points at tumabo si Malik Monk ng 13 points at 8 assists para sa Kings.
76ers 126,
Nuggets 121
Nagsalansan si Joel Embiid ng 41 points, 10 assists at 7 rebounds at sumandig ang host Philadelphia 76ers sa 18-2 run sa fourth quarter upang gapiin ang Denver Nuggets.
Ito ang ika-18 sunod na laro na umiskor si Embiid ng hindi bababa sa 30 points. Naputok ang streak na 16 sunod ni Embiid na may hindi bababa sa 30 points at 10 rebounds.
Nagdagdag si Tyrese Maxey ng 25 points at 9 assists at nagposte si Tobias Harris ng 24 points para sa Sixers na nanalo ng tatlong sunod. Nag-ambag si Kelly Oubre Jr. ng 11 points.
Nanguna si Nikola Jokic para sa Nuggets na may 25 points at 19 rebounds, 11 mula sa offensive glass. Umiskor si Michael Porter Jr. ng 20 points at nakalikom si Jamal Murray ng 17 points at 10 assists.
Clippers 128,
Thunder 117
Naitala ni Paul George ang 18 sa kanyang season-high 38 points sa fourth quarter upang tulungan ang Los Angeles Clippers na dispatsahin ang bisitang Oklahoma City Thunder.
Umiskor sina James Harden at Kawhi Leonard ng tig-16 points habang nagdagdag si Mason Plumlee ng 14 para sa Clippers na nagwagi na wala si center Ivica Zubac (calf) habang umangat sa NBA-best 18-4 magmula noong simula ng Disyembre. Nagbigay si Harden ng 8 assists.
Nagwagi ang Clippers sa opener ng three-game home stretch na susundan ng pitong sunod na road games kontra Eastern Conference teams.
Umiskor si Jalen Williams ng 25 points at nagdagdag si Shai Gilgeous-Alexander ng 19 para sa Thunder na muling yumuko sa Los Angeles, matapos matalo sa Lakers noong Lunes. Ang back-to-back losses ay kasunod ng four-game winning streak.