NAITALA ni Devin Booker ang 30 sa kanyang 46 points sa second half at humabol ang bisitang Phoenix Suns para pataubin ang Dallas Mavericks, 132-109, at maiposte ang ika-7 sunod na panalo nitong Miyerkoles.
Nagbuhos si Bradley Beal ng 20 points, umiskor si Grayson Allen ng 15 at nagsalansan si Kevin Durant ng 12 points, 10 rebounds at 7 assists para sa Phoenix, na naghabol ng hanggang 16 sa second quarter bago na-outscore ang Mavericks, 43-20, sa third.
Tumipa si Booker ng 22 points sa decisive third quarter at tumapos na may 17 of 23 mula sa field at 6 of 10 mula sa 3-point range para sa laro, Kumalawit din si Booker ng 7 rebounds.
Nanguna si Luka Doncic para sa Dallas na may 34 points, 8 rebounds at 9 assists. Umiskor si Tim Hardaway Jr. ng 17 points at nagdagdag si Jaden Hardy ng 11. Umiskor si Grant Williams ng 8 points bago napatalsik sa kalagitnaan ng third quarter makaraang tanggapin ang kanyang ikalawang technical foul.
Naiganti ng Phoenix ang 14-point home loss sa Mavericks noong Christmas Day sa pagbuslo ng 60 percent mula sa field at 14 of 34 (41.2 percent) mula sa 3-point range.
Nag-ambag si Keita Bates-Diop ng 11 points para sa Suns, na umangat sa 12-3 sa kanilang huling 15 games.
Nalasap ng Dallas ang ikatlong sunod na kabiguan at naglaro na wala si second-leading scorer Kyrie Irving dahil sa right thumb sprain.
Pistons 113, Hornets 106
Nagbuhos si Bojan Bogdanovic ng 34 points at pinataob ng host Detroit Pistons ang Charlotte Hornets.
Tumipa si Alec Burks ng 15 points at gumawa si Jalen Duren ng 14 na may 8 rebounds sa ika-5 panalo ng Detroit ngayong season. Nagdagdag si Isaiah Stewart ng 11 points at 8 rebounds.
Nag-ambag si Monte Morris ng 7 points sa kanyang season at Pistons debut. Na-sideline si Morris, na kinuha mula sa Washington sa offseason, dahil sa quad injury.
Ang Hornets ay sumalang sa kanilang unang laro magmula nang i-trade si starting guard Terry Rozier sa Miami.
Nanguna si Brandon Miller para sa Charlotte na may 23 points at 7 rebounds, nakalikom si Nick Richards ng 21 points at 10 rebounds at nag-ambag si Miles Bridges ng 20 points at 10 rebounds. Nagdagdag si LaMelo Ball ng 17 points at 7 assists bago na-foul out.