NAGBUHOS si Kevin Durant ng 33 points sa kanyang pagbabalik sa Brooklyn at nag-init ang Phoenix Suns sa third quarter tungo sa 136-120 panalo laban sa Nets noong Miyerkoles ng gabi sa New York.
Nanonood ang kanyang ina sa courtside, isang maikling video na nagbibigay-pugay kay Durant bago ang laro ang sinalubong ng cheers ng kanyang fans. Huli siyang naglaro para sa Nets noong Jan. 8, 2023, bago humiling ng trade sa Suns at nakuha niya ito sa trade deadline noong nakaraang season.
Nakarinig ng boos nang hawakan niya ang bola, ipinasok ni Durant ang 10 sa 16 tira, nagsalpak ng 11 free throws at umiskor ng 11 sa third quarter nang bumuslo ang Suns ng 76.2 percent (16-of-21) at na-outscore ang Nets, 42-26, upang palobohin ang three-point halftime lead sa 19. Tumapos din si Durant na may 8 assists, 5 rebounds at 2 blocks.
Matapos ang laro, niyakap ni Durant si Brooklyn coach Jacque Vaughn at ang ilang dating teammates.
Nagdagdag si Jusuf Nurkic ng 28 at 11 boards para sa Suns na na-outrebound ang Nets, 42-27. Nag-ambag si Devin Booker ng 22 points at 8 assists, habang nagtala si Eric Gordon ng 17 points. Bumuslo ang Suns ng 62 percent mula sa floor.
Umiskor si Cam Thomas ng 25 points para sa Nets, na nabigong makopo ang ikatlong sunod na panalo. Nagdagdag si dating Sun Mikal Bridges ng 21 at gumawa si Lonnie Walker IV ng 19 at naglaro ang Nets na wala si Ben Simmons dahil sa bruised left knee.
Thunder 105,
Nuggets 100
Kumana si Shai Gilgeous-Alexander ng 34 points upang pangunahan ang host Oklahoma City Thunder sa panalo kontra Denver Nuggets.
Ang Nuggets ay naglaro na wala si star Nikola Jokic dahil sa back pain.
Tumapos si rookie Chet Holmgren na may 18 points, 13 rebounds at 5 blocks.
Tatlong players — Jackson, Aaron Gordon at Jamal Murray — ang umiskor ng tig-16 points upang pangunahan ang Nuggets. Nagdagdag si Gordon ng 13 rebounds at 7 assists.
Ang panalo ay pumutol sa two-game losing streak ng Thunder, na hindi pa natatalo ng tatlong sunod ngayong season.
Naputol ang two-game winning streak ng Nuggets, at nanalo ang Oklahoma City sa season series sa pagitan ng dalawang koponan, 3-1.
Naglaro ang Thunder na wala si Jalen Williams (right ankle sprain). Ang pagliban ni Williams ay nagbigay kay rookie Vasilije Micic ng karagdagang papel mula sa bench at umiskor siya ng season-high 12 points.
Timberwolves 121,
Mavericks 87
Umiskor si Karl-Anthony Towns ng 29 points sa 11-for-15 shooting upang tulungan ang Minnesota Timberwolves na dispatsahin ang Dallas Mavericks.
Tumapos si Rudy Gobert na may 17 points sa 5-for-9 shooting para sa Minnesota, na nanalo sa ika-4 na pagkakataon sa kanilang huling limang laro. Nag-ambag si Naz Reid ng 12 points mula sa bench, at nakalikom si Jaden McDaniels ng 11 points.
Nagtala si Josh Green ng 18 points sa 8-for-13 shooting upang pangunahan ang Mavericks. Tumapos si Tim Hardaway Jr. na may 14 points at nagposte si Richaun Holmes na may double-double na 11 points at 10 rebounds para sa Dallas, na 4-7 matapos ang three-game winning sa kaagahan ng Enero.
Ang short-handed Mavericks ay naglaro na wala sina Luka Doncic (right ankle sprain), Kyrie Irving (right thumb sprain), Dereck Lively II (broken nose), Dante Exum (right knee bursitis) at Derrick Jones Jr. (left wrist sprain).