SUNS SINUNOG ANG SPURS

NAGBUHOS si Devin Booker ng 32 points at nagdagdag si Kevin Durant ng 25 sa loob lamang ng tatlong quarters na nilaro upang tulungan ang bisitang Phoenix Suns na dispatsahin ang  San Antonio Spurs, 131-106, noong Sabado.

Ito ang una sa  two-game set sa pagitan ng dalawang koponan sa loob ng tatlong gabi sa Texas at una rin sa five-game road trip para sa Suns.

Bumuslo ang Phoenix ng 61.6 percent mula sa floor sa unang tatlong  quarters, nalampasan ang 100-point mark sa final seconds ng third period, na nagdala kina Booker at Durant sa bench sa huling 12 minuto.

Ang Suns ay nanalo ng tatlong sunod.

Ang Suns (42-29) ay nasavirtual deadlock sa Dallas sa sixth place sa Western Conference, may 11 games ang nalalabi, subalit matatalo sa tiebreaker sa Mavericks kapag nagtabla ang dalawang koponan.

Ang  Phoenix ang may pinakamabigat na nalalabing iskedyul sa West, makakaharap ang 10 magkakasunod na playoff-bound teams matapos ang laro kontra Spurs sa Lunes.

Nagdagdag si Bradley Beal ng 13 points at 12 assists para sa Phoenix, umiskor si Bol Bol ng 13, kumubra si Eric Gordon ng  12 at nag-ambag si Drew Eubanks ng 10 points. Kumalawit si Jusuf Nurkic ng 10 rebounds para sa Phoenix.

Celtics 124,
Bulls 113

Nahila mg Boston Celtics ang kanilang NBA winning streak sa siyam na laro kasunod ng panalo laban sa Chicago Bulls.

Naitala ni Sam Hauser ang pito sa 21 three-pointers ng Celtics, sumablay lamang ng isa mula sa arc tungo sa 23 points.

Umiskor din si Al Horford ng 23 habang nanguna si Jayson Tatum — bumalik makaraang lumiban sa panalo kontra Pistons sa Detroit noong Biyernes — na may 26.

Sa pagbabalik ni Tatum ay sina Jaylen Brown at Kristaps Porzingis naman ang nagpahinga dahil sa injuries, subalit hindi ito ininda ng Celtics.

Nagsalpak si Horford ng limang three-pointers at umalagwa ang Celtics, na abante sa 95-92 papasok sa fourth quarter.

Nanguna si DeMar DeRozan sa lahat ng scorers na may 28 points, ngunit nalasap ng Bulls ang ikalawang sunod na kabiguan.

“Playing teams like Chicago is a great test for the playoffs because of their ability to go on runs, their ability to impact the game on turnovers, points off turnovers, offensive rebounds, free throws,” sabi ni Celtics coach Joe Mazzulla. “They test you on the margins.”

Ang Celtics ay dalawang panalo na lamang ang kailangan upang mapantayan ang kanilang season-best 11-game winning streak.

Nahila nila ang kanilang league-best record sa 57-14 at angat sa Eastern Conference ng 11.5 games laban sa Milwaukee Bucks.