UMISKOR si Chris Paul ng 33 points sa isang perfect shooting performance nang pataubin ng bisitang Phoenix Suns ang New Orleans Pelicans, 115-109, upang tapusin ang kanilang first-round Western Conference playoff series sa Game 6 noong Huwebes ng gabi.
Naipasok ni Paul ang lahat ng kanyang 14 field-goal attempts at ang lahat ng apat na free throws, at nagbalik si Devin Booker mula sa hamstring injury at naitala ang lima sa kanyang 13 points sa huling dalawang minuto
Tumipa si Deandre Ayton ng 22 points, kumabig si Mikal Bridges ng 18 at nagdagdag si Cameron Johnson ng 13 para sa top-seeded Suns, na makakaharap ang fourth-seeded Dallas Mavericks sa susunod na round.
MAVERICKS 98,
JAZZ 96
Tumirada sina Luka Doncic at Jalen Brunson ng tig-24 points upang pangunahan ang Dallas sa panalo kontra Utah at tapusin ang kanilang Western Conference first-round series sa anim na laro.
Nagdagdag si Spencer Dinwiddie ng 19 points para sa Mavericks habang nagsalansan si Dorian Finney-Smith ng 18 points, 10 rebounds at 5 assists.
Nanguna si Donovan Mitchell para sa Jazz na may 23 points, 9 assists at 8 rebounds.
76ERS 132,
RAPTORS 97
Nagbuhos si Joel Embiid ng 33 points at kumalawit ng 10 rebounds at tinapos ng Philadelphia ang kanilang first-round playoff series makaraang gapiin ang host Toronto sa Game 6.
Nagdagdag si James Harden ng 22 points at 15 assists para sa 76ers, na nanalo sa unang tatlong laro ng best-of-seven Eastern Conference matchup bago natalo sa dalawang sumunod. Isinalpak ni Tyrese Maxey ang limang 3-pointers at umiskor ng 25 points, habang nag-ambag si Tobias Harris ng 19 points at 11 rebounds.