SUNS TINUSTA ANG BULLS

NAGBUHOS si Devin Booker ng 38 points, at kapwa tumipa sina Chris Paul at Jae Crowder ng double-doubles upang pangunahan ang bisitang Phoenix sa 127-124 panalo laban sa Chicago para sa kanilang ika-13 panalo sa 14 games.

Si Booker, bumuslo ng 14-for-23 mula sa field, ng hindi bababa sa 30 points sa lima sa kanyang huling walong laro para sa Suns, na umabante ng hanggang 27 points.

Nabigo ang Chicago sa ikalawang sunod na pagkakataon at hinayaan ang hindi bababa sa 115 points sa ika-7 sunod na laro.

Nanguna si DeMar DeRozan para sa Bulls na may 38 points at nagdagdag si Zach LaVine ng 32.

JAZZ 113, KNICKS 104

Umiskor si Donovan Mitchell ng 32 points at binura ng Utah Jazz ang double-digit, second-half deficit upang pataubin ang New York Knicks sa Salt Lake City.

Pinangunahan ni Mitchell ang late game-clinching, 11-1 run at tumapos na may 7 rebounds, 6 assists at 4 steals upang tulungan ang Jazz na magwagi sa ikatlong sunod na laro.

Kumubra si Bojan Bogdanovic ng 20 points, nag-ambag si Mike Conley Jr. ng 18 points at 7 assists at bumalik si Jordan Clarkson mula sa dalawang larong pagliban dahil sa knee injury upang umiskpr ng  16 points para sa Utah.

Kumamada si Julius Randle ng 30 points, nakalikom si Mitchell Robinson ng 19 points at  21 rebounds at tumapos si RJ Barrett na may 23 points,subalit natalo ang New York sa ikatlong sunod na pagkakataon at ika-9 sa 11 laro.

Sa iba pang laro ay dinispatsa ng Heat ang Wizards, 121-100; nadominahan ng Raptors ang Hornets, 116-101; at pinatahimik ng Warriors ang Thundet, 110- 98.