NAGPOSTE si Chris Paul ng double-double at nakamit ang career milestone nang gapiin ng host Phoenix Suns ang New Orleans Pelicans, 112-100, Martes ng gabi.
Naitala ni Paul ang 12 sa kanyang 14 points sa fourth quarter at tumapos na may 18 assists habang nalagpasan sina Mark Jackson at dating Sun Steve Nash upang umakyat sa third place sa NBA’s all-time assist list.
Tinapos ni Paul, 36, ang gabi na may 10,346 assists para maungusan sina Jackson (10,334) at Nash (10,335). Nangunguna sa listahan sina John Stockton (15,806) at Jason Kidd (12,091).
Umiskor si Mikal Bridges ng 22 points, tumipa sina JaVale McGee at Devin Booker ng tig-18, gumawa si Frank Kaminsky ng 17 at nagdagdag si Jae Crowder ng 13 para sa Phoenix.
Nagbuhos si Jonas Valanciunas ng 23 points at14 rebounds, kumabig si Josh Hart ng16, nag-ambag si Devonte’ Graham ng 12 at nagtala si Nickeil Alexander-Walker ng 10 upang pangunahan ang Pelicans, na naglalaro sa una sa apat na four road games sa pitong araw.
LAKERS 119,
ROCKETS 117
Nagtuwang sina LeBron James, Anthony Davis at Russell Westbrook para sa season-best 84 points at binura ng Los Angeles ang fourth-quarter deficit tungo sa panalo kontra bisitang Houston.
Tumapos si James na may game highs na 30 points at 10 assists habang tumipa sina Davis at Westbrook ng tig-27 points. Kumalawit sina Davis at Westbrook ng tig-9 na rebounds, at nagdagdag si Westbrook ng 7 assists.
Makaraang umiskor ng team-high 23 points sa panalo noong Linggo, nag-ambag si Carmelo Anthony ng 15 mula sa bench para sa Lakers, na may kabuuang 26 points mula sa 25 turnovers ng Houston.
Humugot si Christian Wood ng game-high 16 rebounds, kasama ang team-high 26 points para sa Rockets, na natalo sa kabila ng pagbuslo ng 52.7 percent.
HEAT 125,
MAVERICKS 110
Tumirada si Tyler Herro ng 25 points mula sa bench upang pangunahan ang Miami sa ika-5 sunod na panalo makaraang pataubin ang host Dallas.
Naitala ni Herro ang 15 sa kanyang mga puntos sa krusyal na second quarter, nang makontrol ng Heat ang laro, at hindi na sila nalamangan pa.
Nakakuha rin ang Heat ng 23 points kay Jimmy Butler. Ito na ang pinakamagandang laro ni veteran point guard Kyle Lowry sa season, sa kanyang unang taon sa Heat, nang kumamada ng 22 points at game-high 9 assists. Naipasok niya ang 7 ss 10 shots mula sa floor, kabilang ang 6 of 9 mula sa 3-point range.
Nanguna si Luka Doncic para sa Mavericks na may game-high 33 points at team-high five assists. Nakakuha rin ang Dallas ng 25 points mula kay Jalen Brunson, 17 kay Tim Hardaway Jr. at 10 kay Reggie Bullock.
Sa iba pang laro ay pinayuko ng Jazz ang Kings, 119-113, at pinulbos ng Bucks ang Pistons, 117-89.