SUNS TOP SEED SA WEST

UMISKOR si Devin Booker ng season-high 49 points at nagdagdag ng  10 assists, nagtala si Chris Paul ng 17 points at 13 assists sa kanyang pagbabalik sa lineup, at pinataob ng bisitang  Phoenix Suns ang Denver Nuggets, 140-130, nitong Huwebes para kunin ang top seed sa Western Conference.

Tumipa si Mikal Bridges ng 22 points, kumubra si Deandre Ayton ng16 points at tumapos si Jae Crowder na may 12 para sa Suns (60-14), na nanalo ng pitong sunod.

Si Paul ay lumiban ng 15 games sanhi ng fractured thumb at hindi naglaro para sa Suns magmula noong bago ang All-Star break. Naglaro siya ng dalawang minuto sa All-Star Game.

Nanguna si Nikola Jokic para sa Denver na may 28 points, tumipa si Bones Hyland ng  23, kumabig si Aaron Gordon ng 21, nakalikom si Will Barton ng 17, gumawa si Monte Morris ng 15, at nagdagdag sina Jeff Green ng 11 at DeMarcus Cousins ng 10.

RAPTORS 117, CAVALIERS 104

Kumana si Pascal Siakam ng 35 points nang gapiin ng host Toronto ang Cleveland.

Si Siakam ay 6 of 7 sa 3-pointers. at nagdagdag si OG Anunoby ng 14 points sa kanyang pagbabalik sa lineup ng Raptors makaraang lumiban ng 15 games dahil sa broken finger.

Tumirada si Lauri Markkanen ng 20 points para sa Cavaliers, na natalo ng dalawang sunod. Nag-ambag si Darius Garland ng18 points at 10 assists, tumipa si Lamar Stevens ng 16 points at nagtala si Kevin Love ng 12 points at 10 rebounds.

BUCKS 114, WIZARDS 102

Sumampa si Jrue Holiday sa  20-point mark sa ika-4 na pagkakataon sa limang laro nang padapain ng  Milwaukee ang bisitang  Washington.

Naka-sideline sina Giannis Antetokounmpo at Khris Middleton, tumapos si Holiday na may 24 points at 10 assists upang pangunahan ang Bucks sa ikalawang panalo sa three-game season series laban sa kanilang Eastern Conference foe.

Nag-ambag si Grayson Allen ng 21 points sa 7-for-10 shooting, kabilang ang limang  3-pointers. Umiskor si Pat Connaughton ng 16 points mula sa bench at nagposte si Bobby Portis ng 11 points at 12 rebounds para maitala ang kanyang unang double-double magmula noong March 9.

Sa iba pang laro, dinispatsa ng Grizzlies ang Pacers, 133-103; at ginapi ng Pelicans ang Bulls, 126-109.