SUPER HEALTH CENTERS ITATAYO SA DAVAO, SARANGANI

PINURI ni Senador Christopher “Bong” Go ang municipal government ng Sarangani at Davao Occidental at Department of Health sa isinagawang groundbreaking para sa itatayong Super Health Center na ginanap nitong Pebrero 2.

Sa kanyang video message, sinabi ni Go na malaki ang maitutulong ng Super Health Centers sa buong bansa lalo na sa rural areas, upang mas mapalawak ang pagbibigay ng public health services mula mga kababayan na magiging daan upang mapalapit ang tao sa pamahalaan.

Kinilala rin ni Go ang mga hamon sa basic health services sa Sarangani na bagaman remote island ay accessible sa mainland ng Davao Occidental.“

Isinulong ko po talaga ang pagpapatayo ng mga Super Health Centers sa buong Pilipinas dahil alam ko po kung gaano ninyo kailangan na mapalapit sa inyo ang serbisyong medikal ng gobyerno,” anang senador.

“Yung mga nasa probinsya po, lalo na yung mga nasa isla at liblib na lugar, yun po ang target na tayuan ng mga Super Health Centers. Para po masiguro na hindi na po nila kailangan lumayo at gumastos ng malaki para lang makapagpaospital,” dagdag pa nito.

Nasa 307 na ang SHCs at napondohan na noong 2022 sa pamamagitan ng inisyatibo ni Go.

Ang Super Health Center ay improved version ng rural health unit na kasama sa health services ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray and ultrasound), pharmacy and ambulatory surgical unit gayundin ang eye, ear, nose and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center at telemedicine.

Si Go na siyang chairman ng Senate Committee on Health and Demography ang nagsulong ng programang Malasakit Centers para tulungan ang mga mahihirap na pasyente.

Si Go ang may akda ng Republic Act No. 11463 na ang mandato ay pagtatayo ng Malasakit Center sa mga hospital na pinangangasiwaan ng Department of Health at Philippine General Hospital.

Ang mga Malasakit Center ay nasa Davao del Sur Provincial Hospital sa Digos City; Southern Philippines Medical Center sa Davao City; Davao Regional Medical Center sa Tagum City; Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City at sa Compostela Valley Provincial Hospital.

Gayundin, muling ihahain din ni Go ang kanyang twin bills na tutulong at maghahanda laban sa para sa public health emergencies gaya ng pagtatatag ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP) at Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC).

“Laging handa dapat tayo para hindi tayo mabigla. Alalahanin natin na hindi naman natin masabi kung ito na ba ang huling pandemya na darating sa buhay natin. Mas mabuti na handa tayo. Mas mabuti nga makagawa tayo ng sarili nating bakuna para hindi tayo umaasa sa ibang bansa,” ayon kay Go.).