SUPER SWERTE, BOSS EMONG LIYAMADO SA PHILRACOM GOLD CUP

BAKBAKANG umaatikabo ang masasaksihan sa Philippine Racing Commission-Philippine Charity Sweepstakes Office Presidential Gold Cup na lalarga ngayon sa Metro Manila Turf Club sa Malvar, Tanauan City, Batangas.

Puntirya ng mahigpit na magkaribal na Super Swerte at Boss Emong na makuha ang prestihiyosong korona sa event na may tumataginting na P10-M guaranteed prize.

“The PCSO takes pride in honoring the President through the years with a very special event that features the best of the best in local horseracing,”pahayag ni  PCSO Chairman Royina Marzan Garma.

Sinabi ni PHILRACOM Chairman Aurelio ‘Reli’ de Leon na mistulang ‘Battle of Titan’ ang labanan.

“The PHILRACOM is proud to have this historical partnership with the PCSO. We are looking forward to more exciting events in Philippine horseracing in the years to come. Cream of the crop ito,” ani De Leon.

Sina Super Swerte, mula sa lahi ng Art Moderne at Faster Tapper, at Boss Emong, produkto ng Dance City  at Chica Un, ay mapapalaban sa defending champion na Pangalusian Island sa distansiyang 2,000-meter race.

Bukod sa Super Swerte at Boss Emong na pag-aari nina Sandy Javier at Edward Diokno, ayon sa pagkakasunod, at Pangalusian Island, ang kalahok din ang 1st at second leg Triple Crown ruler Nuclear Bomb at 3rd leg winner War Cannon.

Hahamigin ng magkakampeon ang P6-M, habang may P2-M ang segunda at P1-M at P500,000 ang third at fourth placers, ayon sa pagkakasunod.

Target na sumilo rin ng titulo ang Sky Shot, Gusto Mucho, Great Wall, Union Bell, Isla Puting Bato, Summer Romance, Prosperity, Obra Maestra at Stardust. Tatanggap din ang fifth at sixth placers ng P300,000 at P200,000 habang mapupunta ang P500,000 sa breeder ng winning horse.

Ang P10-million PHILRACOM-PCSO Presidential Gold Cup ang pinakamalaki at pinakahihintay na karera sa kasaysayan ng local horseracing.

Ang Gold Cup ay sinimulan noong 1973, sa pamamagitan ng namayapang PCSO Chairman Nereo Andolong kung saan nakatala sa kasaysayan ang Sun God na alaga ni Don Pedro Cojuangco bilang unang kampeon.  EDWIN ROLLON