HUHUSGAHAN na ang komedyanteng si Super Tekla, na tinaguriang GMA’s Breakout Comedian. Nagsimula kahapon in cinemas nationwide ang launching movie ni Super Tekla na gumaganap siyang conjoined twins bilang sina “Kiko En Lala.” Si Kiko ang tough at masculine twin, samantalang si Lala ay ang outspoken and witty gay twin. Dahil sa kanilang kondisyon, nagtrabaho sila sa isang karnabal, ang “Kambal Karnibal.” Bakit na-delay ang showing ng kanilang movie na dinirek ng multi-awarded director, si Adolf Alix, Jr.
“Medyo nga po na-delay dahil pinolish namin, pinaganda ang finished product,” sagot ni Super Tekla. “Saka sumunod kami sa policy ng mga sinehan ngayon na kapag hindi ka tapos sa date of release, maghihintay ka ng two months, at ganoon nga ang ginawa ni Direk Adolf at ng producer namin, ang Backyard Productions, kaya nagkaroon kami ng chance na malinis talaga ang pelikula.”
Kasama ni Super Tekla sina Derrick Monasterio, Kim Domingo, Jo Berry, Kiray Celis, Divine Tetay at may special participation ni Ai Ai delas Alas. Bakit hindi kasama si Boobay, ang kanyang co-host sa “The Boobay And Tekla Show”
“Si Boobay po ang taong napaka-low profile, ang bait! Sobrang friend siya ng lahat. Sa work, sobrang bait, sobrang sipag. Friends kami, pero never pa kaming gumimik o rumampa na magkasama. After work kasi, kanya-kanya na kami ng mundo. Close kami sa set, sobrang close, kahit sa trabaho sa bar magkasama kaming nagpi-perform every night, wala kaming insecurity sa pagitan namin. Gusto namin siyang i-guest kaya lamang hindi naayos ang schedule niya.”
KEBER SA PROBLEMA NG MGA LGBT SA COMFORT ROOM
Ayaw namang patulan ni Super Tekla ang issue tungkol sa paggamit ng comfort room ng mga cross-dresser, transgender. Mas marami raw importanteng bagay na dapat bigyan ng importansiya, hindi iyon. Basta siya kahit naka-bihis babae, sa CR ng lalaki pumapasok, wala raw siyang pakialam kapag tinitingnan siya ng mga lalaki, lalaki naman siya talaga. Sino sa kanya ang talagang pogi, si Kuya Jose Manalo raw.
“Siyempre joke lamang iyon, ang guwapo ang kaibigan ko si Alden (Richards), si Pambansang Bae. Sa babae naman, si Kris Bernal, ang ideal girl ko. Gandang-ganda rin ako kay Jennylyn Mercado at bagay na bagay sila ni Dennis Trillo,” dagdag pa ni Super Tekla. “Pero ang gusto ko talagang pasalamatan si Kuya Wil (Willie Revillame) dahil walang Super Tekla kung hindi siya nakita ni Kuya Wil. Sana panoorin niya ang movie ko.”
Inspirado si Asia’s MultiMedia Star Alden Richards sa pagti-taping ng inspirational drama series niyang “The Gift.” After nga nilang mag-perform sa Thailand, nina Dennis Trillo at Ken Chan, umuwi siya agad dahil kailangan nilang mag-taping last Saturday wala kasi silang nakabangkong episode ng serye na dinidirek ni LA Madridejos. Kahit ang mga eksenang kinunan nila Monday morning, ipinalabas na rin kinagabihan.
Hindi nga iniinda ni Alden ang pagod dahil sa magagandang reviews na natatanggap ng serye nila na sinasabing ang bagong kinagigiliwang panoorin gabi-gabi ng mga netizens dahil naiiba ang story na napapanood nila, bukod sa ma-huhusay na acting ng bawat character, after ng “Beautiful Justice.”