SUPER TYPHOON EGAY NAG-IWAN NG 6 KATAO PATAY

KASUNOD ng pananalasa ng bagyong Egay, anim katao ang nasawi habang dalawa naman ang sugatan.

Subalit sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, lima pa lamang ang kanilang nasa talaan, apat dito ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) habang ang isa ay mula sa CALABARZON.

Mayroon din naitalang dalawang sugatan pero ang mga ito ay patuloy pang bineberipika ng NDRRMC.

Dahil sa patuloy na mga pag-ulan ay patuloy rin lumolobo ang bilang ng mga apektadong indibidwal. Sa kasalukuyan ay nasa 89,639 pamilya o katumbas ng 328, 356 na katao ang apektado ng bagyo at southwest monsoon o Habagat mula sa 836 na brgy sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 10, 12, CALABARZON, MIMAROPA, BARMM at CAR.

Sa nasabing bilang nasa halos 20,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 306 na mga evacuation center.

Batay ito sa ulat ng NDRRMC, may 70 lugar ang nakaranas ng pagbaha dahil sa mga pag-ulan na dala ng Bagyong Egay kung saan nanguna ang MIMAROPA sa may pinaka-maraming lugar na binaha na umabot sa 23.

Sinundan ito ng Central Luzon na umabot sa 21 lugar at Bangsamoro Autonomous Region sa 10 lugar.Nakapagtala naman ng limang landslide sa Western Visayas.

Habang 107 road sections at 19 tulay ang naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang rehiyon .

May 109 lugar naman ang nakaranas ng power interruption dahil sa mga natumbang poste ng kuryente.
VERLIN RUIZ