SUPER TYPHOON SA 2019

SUPER TYPHOON

MALALAKAS na bagyo na may dalang maraming tubig ulan ang darating sa bansa ngayong 2019.

Babala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), hindi gaanong didirekta sa kalupaan ang ilang paparating na mga bagyo  na karamihan umano ay lilihis, suba­lit mas malalakas at  mara­ming tubig-ulan  ang mararanasan epekto na rin ng global warming.

Idinagdag pa nito na mababawasan ang dami ng bagyong darating na iiwas pumasok sa Philippine Area of Responsibi­lity (PAR) ngayong taon bunsod ng naranasang weak El Niño.

Ayon kay Pagasa Weather Division chief Dr. Esperanza Cayanan, tag-ulan na ngayong Hun­yo dahilan sa unti-unting pumapasok na ang ha­nging Habagat at madalas na rin ang thunderstorm. Tinatayang may isang bagyo ang darating sa katapusan ng Hunyo.

Samantala, kasabay ng paggunita ng Typhoon & Flood Awareness Week  ay inilunsad  ng Department of Science and Technology (DOST) ang warning system upang agarang malaman kung magkakaroon ng storm surge sa isang lugar.

Sa ginanap na press conference sa Quezon City, sinabi ni Pagasa Administrator Dr. Vicente Malano na napakahalaga ng storm surge warning system upang lubos na mapaghandaan ang pinsala ng paparating na bagyo.

Hindi na aniya bago ang storm surge o ‘daluyong’ sa Filipinas, sapagkat may naitala ng nakaraang pinsala na sanhi nito, tulad noong 1920 na kasinlawak din ng  bagyong  Yolanda at kaparehong lugar ang dinaanan ng bagyo.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na walang magaganap na storm surge kung walang bagyo.

Ang bagong warning system ay tested na noong nakaraang taon o buwan ng Setyembre sa kasagsagan ng bagyong Ompong kung saan ito ay color-coded, na may representasyon ang apat na kulay. Blue kung ang daluyong ay less than 1 meter, yellow na nangangahulugang ‘be ready’ at ang storm surge ay may taas na 1 hanggang 2 metro; orange kung aabot sa 2 hanggang 3 meters ang taas ng alon; at red, kung mahigit sa 3 metro.

Nabatid na mayroon ding ilalabas na storm surge watch na magaganap sa susunod na 48 na oras; at storm surge warning na ang ilalabas  kung ito ay magaganap sa loob ng 24 oras.

Ang Typhoon and Flood Awareness Week  ay mula Hunyo 17 hanggang  Hunyo 23, kabilang sa mga aktibidad ang libreng lecture at panoorin sa Planetarium at paggamit ng mga pasilidad ng Pagasa-DOST sa Science Garden, Agham Road, Quezon City.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.