MAS palalakasin pa ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang epektibong aksiyon para sa proteksiyon at kalinga sa mga karapatan pantao sa ating bansa.
Opo, nakita ni PBBM na kailangang lumikha ng isang superbody — at sa pamamagitan ng inilabas niyang Administrative Order No. 22, inatasan niya si Executive Secretary (ES) at dating Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin na likhain ang “Special Committee on Human Rights Coordination”.
Tamang choice na gawing tagapangulo ng Espesyal na Komite na ito si ES Bersamin dahil kilala siyang tagapagtaguyod ng human rights, at may maningning na rekord noong siya ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Kasama sa komite na ito sina Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, at Department of the Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr., at buo ang tiwala natin, magiging mahusay ang tatlong ginoo sa pagpapahalaga at pagpapanatili ng koordinasyon at teamwork upang maitaguyod at mabigyan ng ibayong proteksiyon ang mga karapatang pantao ng mamamayang Pilipino.
Naisip ito ni PBBM upang maitaguyod ang mahahalagang akomplisment ng United Nations for the Joint Program on Human Rights (UNJP) na mag-e-expire sa Hulyo 31 ngayong taon.
Tamang kilos ito ng ating Pangulo, lalo na at kasapi ang Pilipinas at masugid na tagapagtaguyod ng Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights, and International Covenant on Civil and Political Rights.
Dahil nga rito, nilikha ang Presidential Human Rights Committee (PHRC) upang matugunan ang ating obligasyon at responsibilidad bilang kasapi ng UN na nagtataguyod ng international human rights.
Tungkulin nitong PHRC na gumawa ng mabisang plano at aksiyon upang matupad ang adhikaing maipagtanggol at mapalaganap ang lahat ng kaalaman at promosyon para mabatid ng madlang Pinoy ang kahalagahan ng pagtataguyod ng ating mga karapatang pantao.
Inaasahan natin na sa pamumuno ni ES Bersamin, kasama sina Sec. Remulla, Sec. Manalo at Sec Abalos, makalilikha sila ng mga programa na magbibigay sigla sa mga ating law enforcement agencies at iba pang ahensiya ng gobyerno upang maisagawa ang maayos na gulong ng hustisya, at paglaban sa mga karahasan laban sa karapatang pantao sa ating bansa.
Mahalaga po, ES Bersamin, na maging katuwang po ng inyong komite ang mga kasapi sa media — na magsisilbing inyong boses sa pagpapalaganap ng mga isyung kaugnay sa proteksiyon at pagsusulong ng mga impormasyon kailangan upang malaganap na maipabatid sa mamamayan ang kahalagahan ng pagpapanatili ng karapatan nating mga Pilipino sa ilalim ng pamahalaan ni PBBM.
Naririto lamang po sa gedli ang National Press Club (NPC) sa pamumuno ng mga bagong halal na opisyal nito at iba pang media organizations sa bansa.
Mahalaga pong maging katuwang ang media upang mabilis na mapalaganap ang mga layunin, adbokasiya ng Espesyal na Komite na ito sa pagpapanatili at pagpapalakas ng karapatang pantao sa bansa.
Magiging mabisang katuwang kami sa media sa pagtulong sa pagtupad ng mga tungkulin ng Espesyal na Komite na ito, lalo na sa pagkalap ng mga datos, impormasyon, at ebidensiya ng mga paglabag ng mga elementong kriminal, at ayon sa utos ng Pangulo, kailangan na tumulong ang mga samahang sibiko, mga pribadong indibidwal, lalo na sa Implementation, Reporting and Follow-up operations.
At ang media, lalo na ang grupong NPC ay may malawak na kasapian sa buong bansa na ganap na tutulong upang maitaguyod ang tamang mga hakbang laban sa mga gawaing kriminal, terrorism at maging ang paglaban sa ilegal na droga.
Batay sa AO No. 22, trabaho ng Espesyal na Komite para sa Karapatang Pantao na magsagawa ng mabisang monitoring at tiyaking naipatutupad ng mga ahensiya ng pamahalaan ang mga programa sa pagtatanggol at pagtataguyod ng human rights, lalo na ang mga napagkakaitan ng kalayaan, mga biktima ng kalupitan, torture at mga gawaing pambubusabos sa kapwa tao.
Lahat ng opisina, ahensiya, kagawaran at kawanihan at mga korporasyon ari at kontrolado ng pamahalaan, at maging ang local government units, at pribadong sektor ay inuutusan na ibigay ang buong suporta upang matiyak ang mahusay na implementasyon ng AO 22 ni PBBM.
Kung aatasan, kami sa media ay handang tumulong po, anytime, ES Bersamin, Sec. Boying Remulla, Sec. Manalo, at Sen. Abalos.
Magtatagumpay ang Espesyal na Komite na ito kung tayo ay magkakaisa.
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].