LAGUNA- TINATAYANG nasa mahigit P300-K cash ang natangay ng apat na miyembro ng termite gang na pumasok sa Puregold branch sa Barangay Balibago, lungsod ng Sta.Rosa sa lalawigang ito, hatinggabi ng Sabado.
Sa pahayag ni Lt. Col.Glenn Randy Silvio, Laguna police director, lumalabas na binutas ng mga suspek ang pader ng gusali ng supermarket na ginawang lagusan para marating ang kinalalagyan ng Metrobank ATM machine.
Sinabi ni Ronjie Opena, 59-anyos, store Manager ng Puregold, Sta.Rosa ay dumating umano siya ng alas-7:30 ng umaga nitong Linggo sa kaniyang tanggapan at agad nitong napuna ang ATM machine ng bangko na wala sa orihinal nitong kinalalagyan.
Agad umano siyang nagpatawag ng pulis para imbestigahan ang nasabing pagnanakaw.
Sa ginawang pagsusuri ng Laguna PNP Intelligence unit, planado umano ang ginawang pagpasok ng mga kawatan sa supermarket at itinaon ng mga ito ang oras kung saan abala at nakatuon ang isip ng lahat sa pinakahuling misa ng simbang gabi.
Sinabi pa ng mga pulis na gumamit ng matigas na bagay ang mga magnanakaw kung kaya’t nawasak ang bakal na ATM machine na tinatayang may laman mahigit na tatlong daan libong piso.
Kaagad naman isinailalim sa isang masusing imbestigasyon ang lahat ng security guard na nakadestino ng gabing pagnakawan.ang nasabing supermarket. ARMAN CAMBE