IKINABAHALA ng grupo ng mga supermarket owner ang tuloy-tuloy na pagsirit ng presyo ng ilang bilihin, kabilang ang ilang brand ng basic at prime commodities.
“Kasi continuous eh. If it stopped and I see it now in April and it stops in May, then I’ll say okay, the buck stops there, makakapahinga na tayo nang kaunti, election pa man din,” wika ni Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Assocation.
“Kaya lang continuous eh, so when the new government comes in, whoever wins has his or her hands full kasi ‘yon na nga, they have to deal with this,” ani Cua.
Ang ilang hindi basic goods na nagtaas ng presyo ay ang shampoo, lotion, juice at ilang imported products.
Kabilang naman sa basic goods na may dagdag-presyo ang gatas, kape de-lata, mantika, at condiments o panimpla.
Ayon kay Cua, sa libo-libong produkto sa loob ng isang supermarket ay wala pang 250 items ang may suggested retail price (SRP), na kontrolado ng gobyerno.
Nangako naman ang Department of Trade and Industry (DTI) na wala muna silang aaprubahang taas-presyo sa mga produktong may SRP.