BALOT ng kalungkutan at takot ang buong Supiden, La union kasunod ng pagpaslang sa kanilang alkalde habang malubha ang misis nito na bise alkalde rin ng nasabing bayan.
Sa ulat, naka-half mast na ang bandila sa harap ng municipal hall na nagpapahiwatig ng pagluluksa at pagdadalamhati dahil sa pagkamatay ni Mayor Alexander Boquing at ng dalawa pa nitong kasama.
Sinabi ni Supiden Municipal Councilor Melvin Macusi, kahapon ay pinag-usapan nila kung sino ang pansamantalang mamumuno sa bayan habang nagpapagaling sa ospital ang misis ng alkalde na si Vice Mayor Wendy.
Sa kabila ng pagluluksa, sisikapin nilang maging normal ang operasyon o pagbibigay ng serbisyo ng municipal hall sa kanilang mga kababayan.
Samantala, mariing kinokondena ni Macusi ang nangyaring karahasan.
Aniya, wala namang nababanggit sa kanya si Mayor Boquing na banta sa buhay o nakakaaway noong ito ay nabubuhay pa.
Ayon pa kay Macusi, sasabak muli sa mayoralty race ang naturang alkalde at siya ang running mate nito bilang vice-mayor sa darating na 2019 midterm election.
Hindi rin umano maaalis na posibleng may kinalaman sa politika ang pagkamatay ng alkalde dahil nalalapit na rin ang araw ng pagsusumite ng certificate of candidacy.
Umaasa naman si Macusi na mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mayor at ng dalawa pang kasama nito. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.