Sapat ang suplay ng mga itlog at manok ngayong Kapaskuhan at bumaba pa ang farm gate price nito.
Ito ay ayon kay Gregorio San Diego, United Broilers Raisers Association Chairman at Philippine Egg Board Association Chairman sa isang panayam sa radio. Nasa P7 na lamang aniya ang presyo kada piraso ng medium size na itlog, at P133 kada kilo ng manok.
Nanawagan din siya sa pamahalaan na aprubahan na ang bakuna sa bird flu na matagal ng pinaiiral sa ibang bansa upang hindi maapektuhan ang mga lokal na produksyon ng mga manukan sa bansa ganyang muling may kaso ng bird flu sa itikan sa Bicol.
“Sa totoo lang ilang linggo na pababa ang presyo ng itlog. Bumababa sa farm gate price. Mula nu’ng isang linggo hanggang itong linggong ito bumaba ng limang sentimo, ang bawat itlog, ang presyo,” ayon kay San Diego.
Ito aniya ay sa kabila ng pagtaas ng demand sa mga itlog at manok ngayong holiday .” Sa totoo nyan tuwing Pasko ang demand nyan tumataas. Maraming ginagawa, mga cake, mga cupcake, leche flan,” sabi nito.
“Ang manok bumababa din. Kahapon dalawang piso sa farm gate. Kaya sa mga balita kahapon ang sinasabi asahan na tataas pa ng kaunti kasi magpapasko. Pero yan, hindi yan ang nararanasan namin sa aming mga farm. Sa aming mga benta, sa mga bentahan namin,” dagdag nito.
Mistulang katulad ng bigas ang kapalaran ngayon ng manok at itlog na nakukuha ng trader sa local producers sa murang presyo sa farm gate price, subalit mahal na pagdating sa merkado.
“Ang nakakalungkot, common na itong nangyayari sa mga agricultural products na mababa sa farm. Nalulugi kami sa mga produkto namin pero hindi nakikinabang ang mamimili, hindi bumababa sa pamilihan. Minsan ang kamatis nakikita yan. Tinatambak na lang sa kalsada no. E di dapat sa mga pamilihan mura yan, pero ang tinatawag sa English me disconnect e,” sabi ni Gregorio.
“Yun ang sinasabi namin noon pa. Kaya tayo nag iimport para bumaba ang presyo.Mula 2000 palaki ng palaki ang iniimport halimbawa baboy. Hindi naman nangyayari na bumababa ang preso ng mga agricultural commodities. Yang mga nag iimport hindi naman yang mga yan bayani. Siyempre gusto din niyan kumita.Itong recently lang di ba sa hearing ng Kongreso P33 lang ang puhunan nila sa bigas. Kung ibenta singkwenta, ang itlog ‘di mo naman puwedeng iimbak ng matagal yan mabubulok yan. Yan ang problema sa mga farm. Halimbawa, ang imbentaryo mo mga dalawang araw na produksyon, e maoobliga ka na maibenta ng mas mura. Mas malulugi ka pag nabulukan ka sa farm,” ayon pa rito.
Ngayon aniya na walang kakulangan ang suplay ng itlog.
Pero nahaharap sa malaking pagsubok sa darating na panahon dahil mukhang mag-o-oversupply ng itlog. Ang Bulacan ang egg basket.Kulang din ang gobyerno ng regulasyon. Hindi dapat basta nag- i-import,”sabi niya.
Nababahala din aniya sila na sa takbo ng pagnenegosyo ng poultry farms ngayon ay baka mawalan ng mga maliliit at medium size na local producers. “Kaya kami nababahala.Nawawala ang small and medium players. Kasi ang breeder maliit naman ang kapital nya, titigil. Ang problema pag papasok ang lalaki, parami ng parami ang pumapasok. Hindi naman mawawala ang negosyo ng manok at itlog kaya lang baka magbago ang landscape nito,” sabi ni Gregorio.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia