TINIYAK ng Department of Energy (DOE) na sapat ang suplay ng langis sa bansa matapos ang pag-atake sa production facilities ng Saudi Arabia noong Sabado.
Ayon kay Rodela Romero, assistant director sa Oil Industry Management Bureau ng DOE, hindi pa nararamdaman ang epekto ng drone strikes sa oil processing facilities ng Saudi Aramco sa Abqaiq at Khurais nitong weekend.
Aniya, sa kasalukuyan ay may sapat na suplay ang local oil firms sa gitna ng pag-alala sa suplay kasunod ng pag-atake sa isa sa pinakamalaking oil producers sa mundo.
“Base sa monitoring natin, may enough minimum inventory requirement po sila base sa report nila,” pahayag ni Romero. “More than the minimum inventory requirement po ang ating supply na nasa bansa.”
Batay sa DOE rules, ang mga oil refinery ay kinakailangang mag-imbak ng katumbas ng 30 araw na pagkonsumo. Ang bulk importers ay kailangang magmantina ng 15-day reserve, habang ang suppliers ng liquefied petroleum gas ay dapat na may seven-day inventory.
Nagpatawag ang ahensiya ng emergency meeting noong Linggo upang talakayin ang domestic supply levels, kung saan sinabi ni Romero na mag-sisimula laman ang merkado na mag-react sa Saudi attack ngayong linggo sa pagpapatuloy ng trading para sa commodity.
Ani Romero, nakatakdang pulungin ng DOE ang mga kinatawan ng local oil companies sa loob ng linggon ito upang i-assess ang sitwasyon, subalit binigyang-diin na sa initial reports ay may sapat na suplay sa kasalukuyan.
Nilinaw rin niya na ang big time price hike sa mga produktong petrolyo ngayong araw ay walang kinalaman sa Saudi attack.
Inako ng Houthi rebels ng Yemen ang responsibilidad sa pag-atake, subalit isinisi ito ng United States government sa Iran.
“Ang Saudi ay isa sa mga top producer ng crude. Kung mayroong problema sa producer, definitely apektado lahat ng kumukuha roon,” ani Romero said.
Aniya, ang Filipinas ay kumukuha lamang ng 12.2 percent ng petroleum needs nito sa kingdom.
Sa datos ng DOE, one-third ng oil supply ng bansa ay nagmumula sa United Arab Emirates, habang 26 percent ay nanggagaling sa Kuwait. CNN PHILIPPINES