SUPLAY NG MALAMPAYA PAUBOS NA, BUBUSISIIN NG SENADO

Malampaya

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Win Gatchalian ang papaubos nang suplay ng Malampaya Deep Water Gas-To-Power Project na kritikal sa seguridad ng suplay ng enerhiya sa bansa.

Kasama ni Gatchalian sina Senate President Vicente C. Sotto III at Senador Panfilo Lacson na naghain ng Senate Resolution No. 533, na naglalayong alamin ang plano ng gobyerno bago tuluyang maubos ang sinusuplay ng Malampaya hanggang taong 2024.

Ang Malampaya gas field ang pangunahing pinagkukunan sa bansa ng enerhiya na nagsusuply ng 29.3 porsiyento ng koryente sa Luzon at 20.08 porsiyento sa buong bansa.

Ayon kay Gatchalian, mayaman sa langis at natural gas ang paligid ng Malampaya kaya mas mabuting galugarin na ito bilang paghahanda sa 2024.

Layon din ng naturang resolusyon na siyasatin kung nasunod ng gobyerno at ng consortium na nasa likod ng operasyon ng Malampaya ang Presidential Decree No. (PD) 87 o ang Oil Exploration and Development Act of 1972, at ang napipintong pagbenta ng 45 porsiyentong pag-aari ng Shell Exploration B.V. (SPEX) sa Malampaya.

Anang senador, napakahalaga nito dahil SPEX ang operator o nagpapatakbo ng Malampaya.

Bukod sa SPEX, hawak ng Philippine National Oil Corporation-Exploration (PNOC-EC) ang 10 porsiyento sa Malampaya habang ang 45 porsiyento naman ay dating pagmamay-ari ng Chevron na ngayon ay nabili na ng UC Malampaya Philippines na nasa ilalim ng Udenna Corporation.

“Isinasaalang-alang natin dito ang pangkalahatang seguridad ng suplay ng enerhiya ng bansa. Kinakailangang siguruhin natin na kung sino man ang papalit sa pagpapatakbo ng Malampaya ay dapat mayroong teknikal na kapasidad. Kailangang patunayan nila na may kakayahan din sila hindi lang basta mag-operate kundi pati sa pagsasagawa ng exploration sa mga potensiyal na bagong mapagkukunan ng suplay ng gasolina sa mga susunod na taon,” sabi ni Gatchalian.

Aniya, nakasaad sa Section 4 ng PD 87 na maaaring direktang magsagawa ng exploration at maghanap ng lokal na mapagku-kunang suplay ng petrolyo ang gobyerno o mangontrata ng serbisyo ng sino mang may kakayahang teknikal at mamumuhunan para rito.

Nais ding malaman ni Gatchalian ang opinyon ng mga eksperto kung kailangan pa bang palawigin ang kontrata ng Malampaya gas field o posibleng epekto sakaling pamahalaan ito mismo ng gobyerno.

“Ito’y hindi simpleng usaping pamumuhunan at negosyo. Apektado tayong lahat dito dahil ito’y may kinalaman sa seguridad ng eherhiya. Lahat tayo ay nagnanais na hindi maubusan ng mapagkukunan ng suplay ng langis sa hinaharap,” pagtatapos ni Gatchalian. VICKY CERVALES

Comments are closed.