SUPLAY NG NFA RICE SA BATANES BUMABA

NFA RICE

PATULOY na bumababa ang suplay ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) sa probinsiya ng Batanes dahil sa pagpigil sa mga barkong magbabagsak ng suplay bunsod ng pag-ulan na dala ng sinasabing super typhoon na papasok sa bansa.

Mayroon na lamang 1,700 sako ng bigas ang NFA sa probinsiya ayon kay Governor Marilou Cayco na posibleng hanggang ika-27 na lang ng Setyembre magtatagal.

Inaasahang ngayong Miyerkoles papasok ng bansa ang bagyong Mang­khut at tinatayang sa lugar ng Batanes-Cagayan ang landfall nito. Kung patuloy na pipigilin ang mga shipment ng bigas, kakailanganin ng mga residente na bumili ng commercial rice na nagkakahalaga hanggang P70 kada kilo.

Nangangamba rin si Cayco na posibleng mapinsala ng bagyo ang mga palayan sa Itbayat na malapit nang anihin.

“’Pag nadaanan iyan ng malakas na bagyo, hindi na namin pakikinabangan iyon,” giit niya.

Pinaghahanda naman ng mga opisyal ng Batanes ang kanilang mga residente sa paparating na bagyo lalo pa’t ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ito ay magiging malakas na bagyo.

Humiling na si gobernador na kung maaari ay military planes ang gamitin para magbagsak ng bigas sa probinsiya.

Sinabihan na rin ang kanilang agriculture office na siguraduhin ang food production gardens at subaybayan ang paggalaw ng mga presyo ng bilihin.

Samantala, nakahanda na ang mga relief packs at hygiene kits anumang oras kailanganin ito sa pagdating ng bagyo.     LYKA NAVARROSA

Comments are closed.