MAHIGIT sa 1,000 katao mula sa mga organisadong grupo ng overseas Filipino workers (OFWs) sa bansa ang nagsagawa ng mapayapang pagkilos kahapon sa harapan ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Manila upang ipahayag ang kanilang todong suporta sa pagkatao at mga programa ni Sec. Silvestre Bello III.
Ayon sa mga raliyista, nanggaling pa sila sa iba’t ibang bahagi ng bansa–Timog Katagalugan (Calabarzon), Cagayan Valley, Nueva Ecija, Cebu, Maguindanao at Davao–upang personal na maiparating ang kanilang pagsuporta sa kalihim.
Sa isang manifesto na kanila ring nilagdaan at ipinamahagi kahapon sa harapan ng DOLE, binigyang-diin ng mga raliyista na malaki ang naitulong ng kalihim, partikular na sa mga nasa panganib na OFW habang nagtatrabaho sa ibayong dagat.
“(Bello) is driven with traits of integrity, honesty and transparency, contrary to the allegations of his detractors.
“He has been focused on his policy agenda of ensuring inclusive growth for us and our families.
“He has been of great help to President Rodrigo Duterte in attaining his vision for the Filipino workers,” bahagi ng kanilang pahayag.
Ang pagkilos kahapon ay ikalawang insidente ng pagpapakita ng suporta sa kalihim ng sektor ng paggawa ngayong linggo.
Noong Lunes, aabot sa 160 may-ari at mga lider sa labor recruitment sector ang nagtipon-tipon sa Maynila at lumagda rin sa bukod na manifesto upang ipahayag ang kanilang todong suporta kay Bello, na sinasabing target ng isang organisadong kampanya sa media noong mga nakalipas na linggo.
Anang mga impormante sa DOLE, layunin ng nasabing ‘demolition job’ na impluwensiyahan si Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin na siya sa puwesto.
Kasabay naman ng kanilang pagpapahayag ng paniniwala sa integridad at pagkatao ng kalihim, nanawagan din ang mga recruitment agency kay Pang. Duterte na huwag patulan ang mga bintang laban sa kanya.
Sinabi naman ni Joylie Recto, Vice President of the Southern OFW Cooperative, na, “Lubos ang aming suporta kay Secretary Bello.”
“Lahat ng paratang sa kanya ay walang katotohanan. Malaki ang naitulong niya sa amin. Marami siyang natulungan na gaya namin at maayos na napauwi mula sa Middle East at nabigyan pa ng livelihood assistance,” aniya.
Diin pa ng mga raliyista, walang katotohanan ang mga bintang ng katiwalian na ibinabato sa kalihim.
Kabilang sa mga grupo ng OFWs na dumalo sa pagtitipon ay ang Nueva Vizcaya OFW group, Kabayani Association Inc., OFW Association in Laguna at mga grupong migrante sa Nueva Ecija, Cagayan Valley, Davao, at Cebu.
Isang pagkilos din pabor kay Bello ang isasagawa sa mga susunod na araw sa Davao City kung saan tinatayang higit 2,000 OFWs at kanilang pamilya ang inaasahang dadalo.
Comments are closed.