TINOTOO ng bida sa teleseryeng “Ang Probinsyano” na si Coco Martin ang pangakong sasamahan sa kampanya si Senador Grace Poe sa Biñan, Laguna at Carmona, Cavite kahapon.
Sa pagsasalita sa Carmona Town Plaza rally, buong pusong nagpasalamat si Martin sa kanyang mga tagahanga.
“Maraming maraming salamat po sa halos apat na taong pagmamahal at pagsuportang ibinigay ninyo sa amin. Mahal ninyo po ba ako? Puwede po ba akong humiling sa inyo? Alam ninyo po, mayroon akong isang taong sobrang hinahangaan, iniidolo sa kanyang mga pangarap para sa ating bayan,” bungad ni Martin.
“Itong taong ito ay itinuturing ko na po na isa kong pamilya. Itong taong ito, alam ko at kilalang-kilala ko na mamahalin ang la-hat ng mga Filipino. Itong taong ito ay kilalang-kilala ko na maglilingkod para sa ating bayan. Itong taong ito, kilalang-kilala ko na hindi magiging corrupt kahit kailan. Sobra kong mahal itong taong ‘to,” dagdag ni Martin. “At hinihiling ko po sana sa inyo na sana po, suportahan ni’yo siya sa darating na eleksiyon. Number 55, Grace Poe, para sa Senado. Mahal ko ‘to, sobra. Kagaya po ng pag-idolo natin kay FPJ at kay Ms. Susan Roces, sa aking lola, sana po suportahan natin si Ate Grace. Itataya ko po ang pangalan ko para po sa kanya sa sobrang pagmamahal ko sa taong ito. Sana po, suportahan po natin siya!” pahayag pa ng aktor.