SUPORTA NG DOH SA HOPELINE PINALAWIG

HOPELINE

PINALAWIG pa ng Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng suporta sa suicide prevention hotline ng Hopeline Philippines hanggang sa Oktubre.

Ito ang kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III kahapon.

Dapat ay hanggang ngayong Hunyo 30 lamang ang pagbibigay  suporta ng DOH sa Hopeline, ngunit nagkasundo silang palawigin pa ito ng apat na buwan habang binibigyan pa ng panahon ang National Center for Mental Health (NCMH) na makabuo ng sarili nilang hotline na makapagbibigay ng ganitong serbisyo sa mga mamamayan.

“Ie-extend natin hanggang October, ‘yun na ‘yung pinaka-deadline,” ani Duque, sa panayam ng radyo.

“Kasi nu’ng una, sa June 30 na lang sana (pagbibigay ng suporta), pero ngayon ay nagkasundo na i-extend muna hanggang October habang binubuo din ng National Center for Mental Health ‘yung kaniyang sariling kakayahan na gumawa ng ganitong serbisyo para tugunan itong mga suicide inquiries,” dagdag pa ng kalihim.

Paliwanag naman ni Duque, hindi na nila gagamitin ang hotline ng Hopeline at sa halip ay ang NCMH crisis hotline na lamang na 09178998727.

Ayon kay Duque, ginagawa nila ito alinsunod  sa mandato ng National Mental Health Act, na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ay nilagdaan na nila nitong Enero 2019 lamang.

“Kinakailangan talaga na itong ating NCMH ay mayroon nang sari­ling kapasidad na gawin ito at hindi dumedepende sa mga non-government or-ganizations (NGOs),” anang kalihim.

Nauna rito, inianunsiyo ng Hopeline Philippines na hanggang sa Hulyo 1 na lang ang kanilang operasyon matapos ang pagbibitiw ng suporta ng DOH.

Sa kabila nito, tiniyak ng grupo na magsusulong pa rin naman sila ng suicide prevention, mental health awareness at wellness sa tulong ng mga do-nor.

Kinumpirma naman ni Duque na ititigil na nga nila ang suporta sa Hopeline bagama’t sinabing hanggang sa Oktubre pa naman ito.

Nilinaw rin ni Duque na bukod sa NCMH crisis hotline ay may sarili naman silang suicide prevention hotline na 9898727, na bukas 24-oras.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.