MULING inihayag ni PBA commissioner Willie Marcial ang all-out support ng liga sa Gilas Pilipinas para sa pagsabak ng koponan sa FIBA Asia Cup Qualifiers sa Clark, Pampanga
“Kung ano’ng kailangan na tulong ng SBP, simula nung umupo ako — players, coaches — eto pa’ng nalaman namin ‘yung bubble — tutulong kami,” wika ni Marcial sa presscon para sa FIBA Asia Cup Qualifiers bubble hosting sa Pebrero 2021.
“Simula pa noon, all-out support ang PBA, team owners, governors, at kaming mga empleyado ng PBA, sa SBP,” dagdag ng PBA chief.
Isa sa anyo ng suporta ay ang pagpapahiram sa mga player ng liga sa national team.
Target ng SBP na pagsamahin ang Gilas “hybrid” pool ng PBA stalwarts at young guns sa Enero sa isang bubble training bago ang actual games sa Peb. 18-22. Ang Gilas ay may dalawang laro kontra South Korea at isa laban sa vastly-improved Indonesia kaya kailangan ang karanasan ng pros.
“Nag-usap na kami ni (SBP) President (Panlilio) regarding lineup. Sabi ko sabihin agad para masabihan ang players kasi nagbabakasyon pa sila,” sabi ni Marcial.
“Basta okay sa players, wala tayong problema. Sana makasama sila sa training sa January. Kung okay ang players, okay ang PBA,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Panlilio, na miyembro rin ng PBA board sa kanyang kapasidad bilang Meralco governor, na umaasa silang maisusumite kay Marcial ang pangalan ng mga player sa susunod na linggo.
Bukod sa mga player, ang SBP ay makaaasa rin sa mga pananaw ng PBA mula sa eksperyensiya nito sa pagdaraos ng nine-week bubble.
“The learning we had in the PBA bubble was a great learning for us in hosting these games,” ani Panlilio.
“If not for the PBA bubble, maybe FIBA Asia wouldn’t have chosen the Philippines as host. They saw the level of hosting we did at the PBA bubble. And that experience in the PBA bubble will be the same experience in the FIBA Asia Cup – even better,” dagdag pa niya.
Comments are closed.