SUPORTA NG PSC SA PH PARA ATHLETES BLOCKBUSTER

PSC Chairman William Ramirez

TODO pasasalamat ang Philippine para-athletes sa hindi matatawarang suporta na kanilang tinatanggap mula sa Philippine Sports Commission (PSC) na, anila, ay isa sa mga pangunahing salik sa kanilang mga tagumpay at nagsisilbing inspirasyon para paghusayan nila ang pagsabak sa 10th ASEAN Para Games na iho-host ng bansa sa Marso 20-28.

“Si Chairman (Butch) Ramirez, palagi niyang sinasabi na, ‘he has a soft spot in his heart’ para sa mga para athlete natin. And he truly inspires our para-athletes for what he does in PSC,” wika ni Team Philippines Chef de Mission Francis Diaz.

“Blockbuster ang support ng Philippine Sports Commission. The national government through PSC is virtually funding all the training, international competitions to all our para-athletes. We are very thankful for that commitment,” dagdag ni CDM Diaz.

Mula 2017 hanggang 2019, ang PSC ay gumastos ng P182 billion para sa training at exposures ng national para athletes.

Sa suporta ng PSC, si Pinay table tennis Paralympian Josephine Medina ay nagwagi ng gold medal sa 2019 ITTF Para Bangkok Open sa Thailand at nasa likod ng makasaysayang 10 golds, 8 silvers at 11 bronzes ng national para team sa 2018 Asian Para Games sa Indonesia kung saan lahat ng medalists ay tumanggap ng kabuuang P16.2 million cash incentive mula sa ahensiya.

Tinulungan din ng PSC ang para athletes community na makakuha ng pantay na benepisyo bilang abled athletes. Sinusuportahan din ng ahensiya ang  Para National Games na nagsimula noong 2012, ang Nationwide Alay PARA Atleta Program na inilunsad sa 1st Philippine Sports Summit noong 2017 sa Diliman, Quezon City at hinost ang 1st Pilipinas Para Games noong nakaraang taon.

Naniniwala si Diaz na ang lahat ng programang ito ay nakatulong sa Philippine Paralympic Committee (PPC) na makatuklas ng mas maraming talento para sa national pool.

“Dahil sa ating grassroots development program at sa support ng PSC, lumawak po ‘yung training pool ng ating coaches at naka-identify sila ng mga para-athletes para mapalakas ang national team,” dagdag pa niya.

Sa nalalapit na 2020 APG, ang host Philippines ay magpapasok ng 250 para-athletes at mahigit 80 officials para sa pinakamalaking  multi-sport event para sa  differently-abled athletes sa Southeast Asia na idinaraos tuwing ikalawang taon.

Inaasahang ito ang magiging pinakamalaking Philippine contingent sa kasaysayan ng APG. Sa 2017 edition na idinaos sa Kuala Lumpur, Malaysia, may  80 para athletes at 20 officials ang ipinadala.

Sa nasabing taon, ang Filipinas ay nasa ika-5 puwesto sa overall, ang pinakamagandang pagtatapos ng bansa sa games, na may kabuuang 69 medals: 20 golds, 20 silvers, at 29 bronzes.

Bilang host ng APG ngayong taon, umaasa si Diaz na malalagpasan ng Philippine para-athletes ang naunang standing sa Malaysia.

“Basta ang commitment natin, we will try to improve our last finish in the ASEAN Para Games. Kung maging no. 4 tayo, that’s an improvement already. Kung no. 3, mas maganda. So, siyempre, we will aspire for a podium finish,” ani Diaz.

Comments are closed.