SUPORTA PARA SA CREATIVE INDUSTRIES

ISA sa mga sektor na apektado ng pandemya ay ang Creative Industry—nasa ilalim nito ang mga manlilikha at artista, manunulat, aktor o aktres, alagad ng sining, producers at direktor, musikero, at iba pang kaugnay na mga hanapbuhay.

Dahil dito, may mga programang isinasagawa ang pamahalaan at pribadong sektor upang suportahan ang pagbangong muli ng sektor na ito. Isa ang Cultural Center of the Philippines (CCP) sa mga tumutulong upang matugunan ang pangangailangan ng industriyang nabanggit.

Isang programa ng CCP ay ang Zoom webinars tungkol sa Fundraising at Sponsorhip para sa iba’t-ibang sangay ng sining.

Ito ay gaganapin ngayong buwan ng Hunyo mula alas-dos hanggang alas tres y media ng hapon. Mula sa mga webinar na ito ay matututo ang mga dadalo ng iba’t-ibang stratehiya sa paggamit ng teknolohiya para pondohan ang mga proyekto ng mga organisasyon at indibidwal sa loob ng industriya.

Ilang araw pa lamang ang nakakalipas nang maratipikahan ng Kongreso ang Philippine Creative Industries Bill.

Inaasahang mapipirmahan ng Malakanyang itong panukalang batas upang maging ganap na batas para sa kapakanan ng nabanggit na industriya. Ayon kay Cong. Christopher V.P. de Venecia, ang principal author ng bill, mahalaga ang industriya para sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa at magbibigay ng maraming oportunidad itong batas para sa ating mga creative workers at magiging daan upang makilala ang industriya hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ASEAN at buong mundo.

Para sa mga interesado sa webinars na handog ng CCP, narito ang mga paksa at mga petsang dapat tandaan: Funding Strategies for the Arts (June 6), How to Write your Grant Proposal (June 13), Pitching 101 (June 20), at Crowdfunding Bootcamp (June 27). Maaaring bisitahin ang Facebook page ng CCP para sa karagdagang impormasyon at upang makuha ang Zoom link upang makapasok sa webinar.