SUPORTA PARA SA PAG-UNLAD NG MGA NEGOSYO

MATAPOS ang matinding epekto ng Covid-19 sa ating bansa, kapansin-pansin ang pinaigting na programa at inisyatiba ng gobyerno upang suportahan ang pagbawi at pagbangon ng ating ekonomiya.

Bukod sa muling pagbubukas ng turismo para sa mga dayuhan, abala rin ngayon ang pamahalaan sa panliligaw ng mga investor mula sa ibang mga bansa upang hikayatin silang mamuhunan sa Pilipinas at magtayo ng mas marami pang negosyo.

Kaya lamang, paano natin ito mapapaigting kung hanggang ngayon ay talamak pa rin ang red tape, o ang mga suhol o padulas, sa paglalakad ng mga papeles para sa pagbukas ng mga negosyo?

Noong 2018, matatandaang pormal na isinabatas ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act na may layuning padaliin at gawing mas simple ang pagproseso ng mga dokumento sa pagnenegosyo.

Suportado naman ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nangakong paiigtingin ang programang ito upang maengganyo ang mga negosyante na mamuhunan.

Dahil sa nasabing batas, automated na ang paglalakad ng mga proseso at hindi na mapeperwisyo ang mga indibidwal na pumipila nang matagal para sa paglakad ng mga papeles sa pagbubukas ng kanilang negosyo.

Suportado rin ang pribadong sektor sa programang ito. Kamakailan, nakipag-ugnayan ang Manila Electric Company (Meralco) sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) upang suportahan ang Ease of Doing Business sa pamamagitan ng pamimigay ng 500 computer units para sa lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Sa nakalipas na turnover ceremony, nasa 166 na lokal na pamahalaan ang makatatanggap ng tig-tatlong computer units upang maitayo ang Electronic Business One-Stop Shop (eBOSS) sa kanilang mga lokalidad. Sa pamamagitan nito, mas makasisiguro ang mga indibidwal na mas mapapadali ang mga proseso mula sa filing ng mga aplikasyon hanggang sa pag-apruba ng mga permit.

Ang inisyatibang ito rin ay sumusuporta sa programang “Paspas Pilipinas Paspas” ng ARTA na may layuning paigtingin ang bureaucratic efficiency na kabilang sa mga prayoridad ng 8-point socioeconomic agenda ng pamahalaan.

Sa nakalipas na seremonya, sinabi ni ARTA Director General Ernesto V. Perez na malaking tulong ang donasyon ng Meralco ng mga computer unit sa pamahalaan. Para sa pamahalaan, mas mapadadali ang pangongolekta ng mga buwis na makatutulong sa pagpapaigting ng social services para sa mga lokalidad.

Ayon naman sa Meralco, handa itong magbigay ng iba pang tulong sa mga ahensya ng pamahalaan para sa mga programang makapagbibigay ng benepisyo sa publiko.

“Meralco is one with ARTA in leveraging technology to empower economic recovery. The digitalization and automation of business permit and licensing systems is a critical component not only in encouraging the creation of new businesses to spur economic recovery, but also the expansion of existing ones to fuel and sustain our growth trajectory,” sabi ni Atty. William S. Pamuntuan, Senior Vice President, Chief Legal Counsel, at Head ng Legal at Corporate Governance Office ng Meralco.

Sa pamamagitan ng automation ng business processing, nawa’y mas mapadadali ang buhay ng mga indibidwal at mabawasan, kung hindi man ganap na mawala, ang red tape sa Pilipinas.

Nawa’y patuloy rin ang pribadong sektor sa pagsuporta sa pamahalaan sa pagkamit ng mga layunin tungo sa pagpapaunlad ng pamumuhay, lalong-lalo na sa inisyatiba nitong digitalization journey.

Sa pagkamit ng mga layuning ito, asahan nating mas marami pang mga investor ang mahihikayat na mamuhunan sa Pilipinas na isa sa magiging susi sa mas maunlad na bansa.