KASABAY ng papuri ng alumni ng National Defense College of the Philippines (NDCP) sa mabilis na aksiyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. laban sa agresyon ng China ay hinimok ng mga ito ang sambayanan na suportahan ang mga hakbangin ng gobyerno sa kasalukuyang gusot sa West Philippine Sea.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na “binibigyan ng matinding bigat” ni Presidente Marcos ang insidente kung saan binangga ng Chinese vessels para hadlangan ang Filipino supply boats, sa harap ng “maling salaysay” na ipinakakalat ng China.
Ayon kay Aldin Cuña, Secretary General ng NDCP Alumni Association, dapaf suportahan ng mga Pilipino si Presidente Marcos at ang pamahalaan sa gitna ng patuloy na pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas sa pagsasagawa nito ng mapayapang misyon sa sariling territorial waters ng bansa.
Nanawagan din si Commodore Jerry Simon, miyembro ng alumni board, sa publiko na “manatiling mapagbantay at well informed,” at binigyang-diin na “not only are our ships being rammed, the truth that is on our side is being pummeled too.”
Inatasan ni Presidente Marcos ang Philippine Coast Guard na magsagawa ng mabilis at masusing imbestigasyon sa pinakabagong agresibong pagkilos ng China sa isang command conference noong Lunes, October 23.
Binigyang-diin ni Professor Vladimir Mata, isa pang miyembro ng NDCP alumni board, na ang direktiba ng Chief Executive ay bunsod ng malaking importansiya ng West Philippine Sea “to our nation, future and children, an inheritance we should not lose during our watch.”
Inilabas ng NDCP alumni association ang pahayag makaraang banggain ng dalawang Chinese Coast Guard ships sa loob ng Philippine territorial waters ang isang Philippine coast guard ship at isang military-run supply boat noong Linggo, October 22.